MULA pa noong Lunes, lalong bumigat ang trapik sa EDSA dahil sa mga inilagay na plastic barriers sa isang lane na laan para sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) delegates. Sa isang linggo pa ang APEC summit subalit maagang inilatag ang mga barriers kaya dusa ang mga motorista at commuters. Kung dati ay dalawang oras ang biyahe mula North EDSA, ngayon ay tatlong oras na.
Pinaghandaan nang husto ng gobyerno ang APEC. Apat na araw na walang pasok ang mga eskuwelahan at empleado ng gobyerno. Gusto ng pamahalaan na maging maganda sa paningin ng mga lider ng ibang bansa ang Pilipinas kaya naman lahat nang hindi magandang makikita ay sinisikap na maitago. Pinaganda ang mga kalsada sa paligid ng Ninoy Aquino International Airport, Roxas Blvd. at ang patungo sa Malacañang. Pininturahan ang mga pader at mga barriers. May mga tinakpan ding bahagi ng ilang kalsada para hindi makita ng mga lider na darating.
Kung ngayon na hindi pa dumarating ang APEC delegates ay matrapik na, asahan na lalo pang bibigat kapag narito na sila sa isang linggo. Ayon sa traffic plan, kapag dadaan ang mga delegado, patitigilin ang mga motorista hanggang sa makalampas ang convoy.
Sa mga paghahandang ito sa APEC summit, malinaw na gustong maging perpekto ng gobyerno sa pagtanggap sa mga delegado. Gustong maipakita sa mga lider ng bansa na ang Pilipinas ay potensiyal para paglagakan ng investment. Kung makikita ang kaayusan sa Metro Manila, maaari silang mahikayat na muling dalawin ang bansa at uunlad ang turismo.
Pero sa paghahandang ito, napiperwisyo naman sa trapik ang mamamayan. Bukod sa trapik, marami rin ang nakanselang flights. Hindi maunawaan ang pagkansela sa 211 flights sa NAIA. Ang pagkansela ay malaking kawalan sa mga paparating na balikbayan at turista. Malaki ang malulugi. Bakit hindi gamitin ang airport sa Clark, Pampanga para hindi maantala ang flight. Gustong maging maganda sa paningin ng APEC leaders pero marami naman ang naperwisyo.