TIYAK na ang pagkakaroon ng karagdagang suweldo sa mga empleyado ng gobyerno matapos i-endorso sa Kongreso mismo ni Pres. Noynoy Aquino.
Sa katunayan, agad nakapasa sa House committee on appropriations ang Salary Standardization Law 2015 na nanga-ngahulugan na malapit nang maramdaman ang dagdag sahod sa mga taga-gobyerno.
Hindi ko kinokontra ang ganitong benepisyo sa mga empleyado ng gobyerno dahil marami sa mga ito ay talaga namang hirap din sa buhay.
Sana, ang mga nasa mababang ranggo na lang ang mabigyan ng dagdag suweldo at huwag nang isama ang mga matataas na opisyal mula sa mga miyembro ng Gabinete hanggang sa presidente ng bansa.
Kung tutuusin, hindi na kailangan ng Cabinet officials at lalo na ng Presidente na maitaas ang suweldo nila dahil sa laki naman ng mga allowances at iba pang benepisyo habang nasa puwesto.
Kung itataas ang suweldo ng mga ito ay bawasan ang kanilang intelligence funds at iba pang allowances.
Sa dagdag suweldo sa mga empleyado ng gobyerno ay dehado na naman dito ang mga manggagawa sa pribadong kompanya.
Kung walang pag-asa na magtaas ng suweldo sa mga manggagawa sa pribadong sektor ay i-endorso na rin sana ng presidente ang income tax reform bill dahil malaking ginhawa ito sa mga pribadong manggagawa.
Bukod dito, doble pakinabang din ang mga empleyado ng gobyerno dahil kasama sila sa masasaklaw ng batas sa pagbabawas ng income tax.
May panahon pa naman ang mga mambabatas na mapagtibay ang income tax reform bill upang lahat ay makatikim ng ginhawa mula sa kaltas-buwis.
Bukod dito, inaasahang magiging batas na rin ang karagdagang P2,000 sa pensiyon sa Social Security System (SSS).