LAHAT ng pangit sa paningin itatago lahat ng bako sa daan itutuwid. Ang mga kalat na masakit sa mata tatanggalin.
Liligpitin din ba ang mga ‘street children’ at biglang dadalhin sa resort gaya ng dumating si Santo Papa, ha Dinky Soliman?
Ganito ang gawain ng pamahalaan kapag may malalaking pagtitipon o bisita sa bansa. Kanya-kanyang linis at ayos para lang mapabango ang pangalan natin sa ibang bansa.
Sa ganitong panahon nga lang ba dapat kumilos para luminis at umayos ang daloy ng trapiko.
Ngayong Nobyembre 18 at 19, 2015 dito sa Pilipinas gaganapin ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit.
Lider ng iba’t-ibang bansa at ilang makakapangyarihang tao ang nakatakdang dumating. Isa na dito ay ang Presidente ng Tsina na si Xi Jinping.
Huling ginanap sa Pilipinas ang APEC Summit ay nung panahon ng termino ni dating Pangulong Fidel V. Ramos nung 1996.
Para maging matagumpay ang lahat ng plano nung nakaraang taon nagsimula nang maghanda ang Gobyerno. Inayos ang mga daang sira at ilang taktika ang sinubukan para maibsan ang trapik sa EDSA.
Idineklara na rin ang suspensyon ng pasok ng mga estudyante at trabaho ng mga empleyado. Para daw maiwasan ang mabagal na daloy ng trapiko at mabigyan ng daan ang ating mga bisita.
Bakit ba hindi sa Subic Freeport Zone na lang dalhin ang mga delegado? Maaring gamitin ang Clark International Airport para sa APEC Summit. May mga international at domestic flights naman itong kayang suportahan pagdating ng APEC Summit.
Kapag dito ginanap ang APEC suspindido at paralisado ang buong Metro Manila. Ilang bilyon ang mawawala sa Pilipinas dahil dito. Bakit ba kailangan pa silang padaanin sa Manila gayung pwede namang idiretso na sa Clark.
Hindi pa tayo mapapahiya dahil sa bagal ng usad ng trapiko at walang mga estudyante ang masususpinde. Kalimitan pa naman ay nagkakaroon sila ng make-up classes kapag may suspensyon.
Idagdag mo pa ang paparating na pasko. Siguradong maraming mga OFW ang uuwi ng bansa at bakasyonistang dadagsa dito.
Ang problema ikinansela na ng ilang airline companies ang kanilang mga flight para bigyang daan itong APEC Summit.
Malaki ang mawawala sa ‘tin dito at ganun din sa mga empleyadong walang pasok dahil ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) na ipapatupad ang ‘no work, no pay’ policy.
Maluwag ang Clark International Airport at siguradong kayang-kaya nitong hawakan ang pagdagsa ng mga bisita sa APEC Summit.
Ito ang pinakapraktikal na gawin subalit kahit anung sabihin. Ingay o alingasngas pa ang ating gawin, nakalatag na ang plano. Ang utos ng nakaluklok sa Malacanang ay hindi na mababali.
ITULOY ANG APEC DITO at magdusa tayo sa bagal ng trapiko.
PARA SA ANUMANG REAKSIYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.