NGAYON ang ikalawang anibersaryo ng pananalasa ng bagyong Yolanda sa Kabisayaan.
Mahigit sa 8,000 katao ang namatay at milyong kabahayan ang nawasak at maging ang kanilang kabuhayan.
Naging sentro ang Pilipinas sa buong mundo at marami ang nagpahatid ng pakikiramay at mga donasyon para sa mga biktima ng bagyo.
Maging ang mga kilalang foreign media ay personal na nagtungo sa bansa kaya naman nakuha ang atensiyon ng napakaraming bansa.
Maraming donasyon ang umagos sa Pilipinas pero ang pinaka-masaklap nito ay tila hindi nagamit sa tama lalo kaya naman nananatiling biktima ang mga biktima ng bagyong Yolanda.
Bukod sa mga donasyon, mismong ang Kongreso ay naglaan ng pondo para sa Yolanda victims.
Maging ang mga pribadong sektor ay tumulong sa pagbangon ng mga Yolanda victims pero hindi yata ito natapatan ng gobyerno na sana ay magpupuno upang tuluyang manumbalik sa normal ang pamumuhay ng mga biktima.
Dahil dito, kailangang kumilos ang Malacañang o maging ang mga mambabatas upang siyasatin kung nasaan na ba nakarating ang antas ng rehabilitasyon sa Yolanda victims.
Ika nga ay kuwentas klaras ang kailangan upang ang mga bansa at pribadong sektor o indibidwal na nagbigay ng donasyon ay hindi magduda kung saan napunta ang pondo para sa mga biktima ng bagyo.
Dapat ay maging election issue ang performance ng gobyerno sa rehabilitasyon sa Yolanda victims upang masiwalat sa publiko kung ano na ang tunay na kalagayan ng mga biktima na ikalawang anibersaryo ng kalamidad.