MAY ampon kaming isang mag-anak na “pusakal”. Pusang kalye. Isang pusang lalaki at babae ang basta na lang sumipot sa loob ng aming bakuran. Kesa itapon sa basurahan ang pagkaing tira-tirahan, iyon ang ipinakakain namin sa mag-asawang pusa. E, nawili. Hindi na umalis sa amin. Tapos nagbuntis. Nanganak ng tatlong kuting. Hayun, happy family na sila. Ang ginawang tulugan ay ang luma naming estante na nasa labas ng bahay.
Nabasa kong marunong daw tumanaw ng utang na loob ang mga pusa. Ipinakikita nila ito sa pamamagitan ng paghuli ng daga. Siguro nga ay totoo ‘yun. Simula nang tumira sila sa amin, ilang buwan na ang nakakaraan, tatlong daga na kasing laki ng kuting ang kanilang napapatay. Hindi pa kasama sa bilang ang medium size at bubuwit na kanilang napatay. Tuwang-tuwa naman ako dahil pinapatay nila ang mga hayop na nagbibigay sa akin ng matinding takot.
Dalawa na lang ang kuting dahil namatay ang isa. May paniwala ang matatanda na mainam mag-alaga ng hayop upang sila ang tumanggap ng “negativity” na umiikot sa bahay. Walang sakit ang kuting. Basta na lang nakita namin na patay na ito sa kanilang higaan. Siguro, iniligtas kami ng kuting sa isang nagbabantang pagkakasakit o anumang kamalasan.
Kaya lang napapansin kong sumososyal na ang mga ampon naming pusa pagdating sa “taste” nila sa pagkain. Dati noong sila’y pusakal at patay-gutom pa lamang, sarap na sarap na sila sa kanin na hinaluan lang ng patis. Aba, ngayon...sophisticated na ang kanilang panlasa. Hinahayaan na lang langgamin ang kanin na may kahalong patis. Nagsimulang maging mapili ang kanilang panlasa noong pinapakain namin sila ng natirang buto ng beef kaldereta, sweet and spicy chicken buto at spaghetti. Yes, kahit maanghang at pasta…tanggap na tanggap ng kanilang panlasa. Kumakain din sila ng chopsuey. Sa totoo lang, ayaw na nilang kumain ng tuyo at dried sapsap.
Simula nang ampunin namin sila, marami nang pusa ang pumapasok sa aming bakuran para makikain sa mga natira ng aming alaga. Okey lang sa kanila, maliban lang sa snow white na pusa. Inaaway nila ito kapag nakikikain. Naiinggit siguro dahil maganda si Snow white. Minsan nagkakuwentuhan kami ng aking pinsan. May alaga rin silang pusa na kulay tigre. Kapag daw nakikikain ang pure white cat na alaga ng kanilang kapitbahay, inaaway daw ito ng kanyang alaga. Siguro kahit sa mga hayop, uso rin ang inggitan. Pangit kasi sila kaya naiinggit sa tisay na pusa.
Naalaala ko ang isang matandang paniwala na may halong kalokohan : Mas mabuting mag-alaga ng pusa dahil ang dinadasal nila ay maging mayaman ang nag-aalaga sa kanila para mabigyan sila ang masarap na pagkain. Ang aso raw, ang dinadasal ay mamatay na ang nag-aalaga sa kanya para kainin ang buto nito.