EDITORYAL - Durugin ang sindikato ng ‘tanim-bala’

SABI ng National Bureau of Investigation (NBI), ang “tanim-bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay pinakikilos ng isang sindikato na kinabibilangan ng mga nasa security at immigration services. Ang target umano ng sindikato ay mga balikbayang matatanda at overseas Filipino workers (OFWs). Ang hangarin ng sindikato ay makapag-extort. Pipiliting hingian ng pera ang tinaniman ng bala. Ilang porter ang nagsabi sa gawain ng mga personnel sa security at immigration services. Mayroon din umanong mga porter na kasabwat at ang mga ito ang nagbubulong sa mga biktima na mayroong bala sa kanilang baggage.

Ngayong kinumpirma na ng NBI ang sindikato, nararapat nang gumawa nang mabigat na hakbang ang pamahalaan para matigil ang gawaing ito. Ano pa ang hinihintay nila? Halos buong mundo na ang nakaaalam sa ‘‘tanim-bala’’ at marami ang kinakabahan sa sandaling magtungo sila sa bansa. Marami ang magbabantulot bumisita sa bansa dahil sa ginagawa ng mga sindikato. Hindi sila ligtas habang nasa NAIA sapagkat may magtatanim ng bala sa kanilang dala-dalahan. Mali­ngat lang sila ay baka mayroon nang magtanim ng bala.

Dahil sa pag-iwas na mataniman ng bala, mara-ming OFW ang binabalutan ng plastic ang kanilang baggage. Hindi sila nag-iiwan ng anumang puwang sa bagahe at baka doon itanim ang bala. Maski ang handbag ng mga babaing OFW ay binabalot na rin ng plastic. Mabuti na raw ang sigurado kaysa naman pigilin sa airport at sabihing may bala.

Habang marami ang natutuliro at napapraning habang nasa NAIA, sinasabi naman ni DOTC Sec. Joseph Abaya na kakaunti lamang ang insidente ng bullet possession. Sabi naman ni MIAA general manager Jose Honrado, hindi siya magbibitiw sa puwesto kasunod nang panawagang lisanin niya ang NAIA dahil sa isyu ng ‘‘tanim-bala’’.

Kailangang gumawa na ng drastic move ang pamahalaan sa nangyayari sa NAIA.

Show comments