HABANG palabas ng laundry room si Mahinhin ay hinabol siya ng tingin ni Nectar. May iniisip si Nectar sa mga sandaling iyon. Kailangang malaman niya kung saan nagtatrabaho si Mahinhin!
Tiyak na may inililihim si Mahinhin kung bakit sa gabi ito nagtatrabaho. Ang alam ni Nectar, ang working student ay sa araw nagtatrabaho at sa gabi nag-aaral. Sino ba namang kompanya ang tatanggap sa estudyante para para mag-work sa gabi. Kakaiba si Mahinhin. At paniwalang-paniwala naman si Sir Juan. Siguro’y inartehan nang todo si Si Juan para maawa at tinanggap sa boarding house. At dun pa nga sa magandang kuwarto ito nilagay. Hindi siya naniniwalang ililipat ito ni Sir Juan sa ibang kuwarto.
Mula noon ay lagi nang inaabangan ni Nectar si Mahinhin. Gusto niyang malaman kung saan ito nagtatrabaho. Naiintriga talaga siya kung bakit gabi ito lumalabas ng bahay para magtrabaho.
Pero hindi niya matiyempuhan si Mahinhin sa paglabas nito sa kuwarto. Kapag natiyempuhan niya ay susundan niya ito at aalamin kung saan nagtatrabaho. Duda siya kay Mahinhin.
ISANG gabi, tamang-tama na sa paglabas ni Nectar ay nakita niya si Mahinhin na papasok na sa trabaho nito. Nagkubli siya sa madilim na bahagi ng bahay. Nakasilip siya. Susundan niya ito.
Nang makalabas si Mahinhin ay marahang sinundan ni Nectar. Palabas na siya sa gate nang may tumawag sa kanya.
“Nectar!’’
Nagulat siya. Si Sir Juan.
“May pupuntahan ka?’’
“Po? A wala po. Wala po.’’
“Puwede kang makausap?’’
“Opo.’’
Bumalik sila sa bahay. Hinayang na hinayang si Nectar.
Ano naman kaya ang sasabihin sa kanya ni Sir Juan?
(Itutuloy)