APAT na taon pa lang si Kenneth Shinozuka ay pasumpong-sumpong na ang Alzheimer’s disease na kanyang minamahal na lolo. Japanese si Kenneth pero matagal nang naninirahan ang kanyang buong pamilya sa Irvine California USA.
Habang lumalaki ay napapansin niyang palala na nang palala na ang Alzheimer’s ng kanyang lolo. Nawala na ito sa kanyang sarili hanggang sa hindi na ito nakakapagsalita. Bukod sa pagkaawa sa lolo, naaawa rin siya sa kanyang tiyahin na naatasang maging caregiver ng sariling ama.
Isang araw ay nawala ang kanyang lolo. Nakalabas pala ito sa kanilang bahay na hindi napansin ng kanyang tiyahin. Buti na lang at hindi pa nakakalayo kaya nahabol nila ang matanda. Ang pangyayaring ito ang nagtulak kay Kenneth upang mag-imbento ng gadget na magmomonitor ng kinaroroonan ng Azheimer’s patients.
Ang maliit na gadget ay ikinakabit sa loob ng medyas na isusuot sa pasyente. Sa bandang sakong ito nakadikit. May wireless signal ito na nakakonekta sa iPhone ng caregiver. Halimbawa ay nadapa ang pasyente o kaya ay umalis sa loob ng kanyang kuwarto, ito ay magrerehistro sa iPhone sa pamamagitan ng alert signal na musical chime.
Ang gadget ay una munang tinesting ni Kenneth sa kanyang lolo sa loob ng anim na buwan. Nagtala ito ng 436 na paglalakad ng kanyang lolo. So far, walang nangyaring false alarm, halimbawa, mag-a-alert signal sa iPhone kahit hindi naman naglalakad ang pasyente.
Ginagamit ito ngayon sa isang nursing home sa Irvine. Nakatanggap si Kenneth ng award at cash na $50,000 mula sa Scientific American Magazine. Plano niyang maging neuro scientist upang mapag-aralan ang misteryong nangyayari sa utak ng mga tao. Ang magiging specialization niya bilang neuro scientist ay engineering at computer science. Siya ay 15 taong gulang nang imbentuhin ang gadget noong 2014.