HANGGANG ngayon, wala pang nadadakma sa mga “nagtatanim ng bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Isang dahilan ay sapagkat wala namang pagpupursigi ang pamahalaan o ang manager ng Manila International Airport Authority (MIAA) na mahuli ang mga nagtatanim ng bala. At saka ang sabi mismo ni Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Joseph Abaya na kakaunti lang naman daw ang mga may kaso ng bullets possession. Ayon kay Abaya, .004 percent lamang ang sangkot sa pag-iingat ng bala. Ang .004 percent ayon kay Abaya ay 1,510 katao. Ganito lamang umano karami ang mga may kaso ng bala. At ayon kay Abaya, 34.2 million ang nagdadaan sa NAIA at kung titingnan daw ang 1,510 na sangkot sa bala, kaunti lamang ito. Napakaliit na porsiyento lamang umano ang nauugnay sa bullet possession.
Halos katulad din ito ng sinabi ng Malacañang na isolated case ang napabalitang “tanim-bala” sa NAIA. Kaunti lamang ang mga sangkot.
Dito nakikita ang kawalan ng malasakit sa mga taong nabiktima ng “tanim-bala. Sa halip na sabihin ni Abaya na ipag-uutos niya ang pag-iimbestiga at pagdakma sa mga “tanim-bala” sa NAIA, sinabing kakaunti lamang daw ito. Isolated case lamang ito. Iilan lamang daw ito.
At habang nababalewala ang kaso sa “tanim-bala”, maraming pasahero ang kinakabahan sapagkat masingitan ng bala ang kani-kanilang bagahe. Kahapon, dahil sa takot sa “tanim-bala”, maski sa pagtungo sa comfort room ay dinadala na ng mga OFW at balikbayan ang kanilang bag. Dahil dito, sumikip ang CR sa dami ng bag.
Kahiya-hiya ang nangyayaring ito. Lalo nang naging masama ang NAIA dahil sa “tanim-bala’’. Bakit walang ginagawang aksiyon ang pamahalaan para mahuli ang mga nagtatanim ng bala.
Maganda namang magagawa ng mga biktima ng “tanim-bala” ay magsama-sama at saka kasuhan ang mga ito. Huwag silang patawarin. Kailangang mabulok sa bilangguan ang mga gumagawa nito.