SA panahon ngayon, hindi madaling kilatisin kung ang perang hawak natin ay tunay o peke.
Lalo na ngayong “ber” months, nagkalat ang mga fake money sa mga tiangge at mga pampublikong pamilihan.
Ipinapakalat ng mga sindikatong nagsisingit at nagsasalisi ng mga papel na pera sa kanilang pambayad o panukli.
Doble ingat! Baka kasi sa sobrang abala nyo sa pamimili, masingitan kayo ng mga fake money.
Mismong Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang nagsabi, mabenta ang pekeng pera tuwing kapaskuhan kung saan naglalabasan ang pera ng tao.
Patuloy na namamayagpag ang underground industry na ito dahil mayroong demand at suplay sa merkado.
Depende sa denominasyon, binibili ng mga sindikato ang mga pekeng pera sa murang halaga sa Metro Manila at ipinakakalat sa malalayong probinsya.
Para hindi halata, inihahalo ito sa mga totoo at lehitimong bulto ng pera. Nililinlang ang mga parokyano sa kanilang mga transaksyon at pamimili. Lingid sa kaalaman ng mga mamimili, nasisingitan na pala sila ng mga fake money.
Kung hindi bihasa ang isang indibidwal sa security features ng totoo at lehitimong pera, tiyak mahuhulog sa BITAG ng mga sindikato.
Huwag mapasama sa estatistika ng mga nabibiktima. Maging ‘lerto at mausisa sa mga isinusukli sa inyo. Mag-ingat, mag-ingat!
* * *
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.