MALAKING dagok sa imahe ng Pilipinas ang napaulat na “laglag bala” scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Mga OFW, balikbayan at turista ang nahuhulihan ng bala at halos nagkasabay-sabay pa.
Asahan na malaking pinsala sa sektor ng turismo ang “laglag bala” kaya dapat kumilos dito ang gobyerno.
Buong sikap na ginagawa ng Department of Tourism na mapalago ang bilang ng mga turista upang dumalaw sa Pilipinas pero sa ilang iglap ay naapektuhan ito dahil sa “laglag bala”.
Mahalaga ang paglago ng turismo dahil malaking tulong sa pagsigla ng ating ekonomiya.
Kaya dapat gumawa ng mabigat na hakbang ang Malacañang sa pamamagitan ng pagsibak sa lahat ng mga opisyal ng NAIA mula sa general manager sa usapin ng command responsibility.
Sa mga direktang may kinalaman sa “laglag bala”, ipataw ang pinakamabigat na parusa para magsilbing leksiyon sa lahat upang hindi na maulit ang modus. Kailangang makabangon sa masamang imahe ang bansa at manumbalik ang tiwala ng mga pasahero sa paliparan.
Malaking kasiraan din sa ama ng Presidente na si yumaong senador Ninoy Aquino dahil sa kanya nakapangalan ang pandaigdigang paliparan sa bansa.
Kailangang ipatupad ni P-Noy ang kamay na bakal sa isyung ito upang manumbalik sa normal ag sitwasyon ang mga pasahero lalo na ang mga turista at OFWs.