TATALIKOD na si Sir Juan at iiwan na si Nectar nang mayroon pang sinabi ang babae. Talagang ayaw nitog makasama sa room si Mahinhin.
“Sir Juan, huwag mo namang ilagay sa aming kuwarto si Mahinhin. Please naman, Sir Juan.’’
“O sige para matahimik ka na lang. Pero sinasabi ko sa’yo Nectar, mabait at walang kaproble-problema kay Mahinhin.’’
“Basta po Sir Juan huwag sa aming kuwarto mo ilagay si Mahinhin.’’
“Okey sige. Sa ibang room ko na lang ilagay si Mahinhin para matigil ka na Nectar.’’
“Salamat, Sir Juan,” sabi nito at mabilis na hinalikan sa pisngi si Sir Juan. Gulat na gulat si Sir Juan. Pilya talaga si Nectar.
Pagkatapos siyang halikan ay biglang tumalikod si Nectar at nagtungo sa room nito.
Napailing-iling na lang si Sir Juan. Nagtungo na siya sa kanyang opisina. Pero kahit nakaupo na sa kanyang swivel chair ay ang isyu pa rin kay Mahinhin ang nasa isip niya.
Bakit kaya ayaw makasama ni Nectar si Mahinhin? Mabait naman si Mahinhin. Wala nga itong imik. Mayroon din palang lihim na pag-iinggitan ang mga babae. Kung ang mga lalaki ay nagkakainitan dahil lamang sa pagtitinginan, ganun din pala ang mga babae.
Pero palagay ni Juan, madali niyang maaayos kung may problema man ang kanyang boarders. Kailangang ayusin agad niya bago lumala.
Kapag nagkaroon ng pagkakataon, paghaharapin niya sina Mahinhin at Nectar. Kailangang maa-yos ang gusot kung anuman iyon. (Itutuloy)