SINUMAN sa presidentiables ang susuporta para pagtibayin ang Anti-Dynasty Bill, tiyak na nasa tamang landas sila. Hindi sila nagkakamali. Nagsasawa na ang mamamayan sa pamamayagpag ng mga pulitiko na isinasalin ang kapangyarihan sa asawa, anak, bayaw, pinsan at iba pang kaanak. Kontrolado nila ang bayan o siyudad.
Subalit sa kasalukuyan, wala pa sa presidentiables ang tahasang nagpapahayag ng suporta sa Anti-Dynasty Bill. Wala pa silang binabanggit ukol dito. Sabagay, mahaba-haba pa bago ang kampanya at baka may presidentiables na magpahayag nang pagsuporta sa Anti-Dynasty Bill. Inaabangan ito ng sambayanan.
Nakakadismaya naman na maski si President Aquino ay malamya na ang posisyon sa Anti-Dynasty Bill. Hindi na niya prayoridad sa kabila na mara-ming beses siyang nagsalita na susuportahan niya ang panukalang Anti-Dynasty Bill.
Sabi ni P-Noy noon, dapat suportahan nang nakararami ang Anti-Dynasty Bill kagaya nang pagsuporta niya rito. Pabor daw siya sa pagsasabatas nito dahil mahirap daw kung sa isang lugar ay isang pamilya na ang namamayani at nasa kanila na lahat --- economic, political, judicial, pati security sector kamag-anak nila, baka mahirap nang magkaroon ng malaya at makatotohanang halalan.
Sabi niya sa huling SONA: “May mali rin sa pagpapakasasa sa kapangyarihan ng isang tiwaling pamilya o opisyal. Hindi tayo nakakasiguro na malinis ang intensyon ng susunod…Kung nanaisin lang nilang habang buhay na maghari-harian para sa pansari-ling interes.”
Hindi na maganda ang nangyayaring ito sa bansa na ang mga naghahari ay magkakamag-anak. Sana, sa mga presidentiables ay may magkaroon ng tapang na suportahan ang panukalang Anti-Dynasty Bill. Ipangako nila na kapag nanalo, ito ang uunahing buwagin. Baka makaakit sila ng boto kung ganito ang ipangangako.