ISANG reporter na kilala sa pagiging antipatika ang humingi ng appointment sa ina ng kakapanalo pa lang noon na si President Jimmy Carter. Hindi lang iyon ang unang beses na makakaharap ni Mrs. Lilian Carter ang antipatikang reporter. Ilang beses na itong nakasalamuha ng mabait na ina ng Presidente at ilang beses din niyang nasaksihan ang kabastusan nito sa mga taong iniinterbyu. Magkaganoon pa man ay pumayag si Mrs. Carter na magpa-interview upang maging patas ang treatment niya sa lahat ng taga-media.
Panimulang tanong ng reporter kay Mrs. Lilian Carter:
“Noong nangangampanya pa lang ang inyong anak ay sinabi niya sa mga botante, na huwag siyang iboto kung mababalitaan nilang siya ay nagsinungaling. Nang marinig ko ang mga bagay na ito, naibulong ko: Hay, heto na naman ang isang pulitikong bolero. Bilang ina, do you think laging nagsasabi ng totoo ang iyong anak?”
Una pa lang katanungan ay napipikon na si Mrs. Carter. Magkaganoon pa man ay pinilit niyang maging gracious.
“Well, nagsasabi siya ng white lies paminsan-minsan lalo na noong bata pa siya.”
Napaismid ang reporter. “White lies? Please define white lies.”
“Wala akong specific definition ngunit mabibigyan kita ng halimbawa. Naalaala mo pa ba nang dumating ka kanina dito sa bahay ko? Sinabi ko sa iyong nagagalak akong makita ka and I told you how good you looked.”