Dear Dr. Gatmaitan,
Ako po ay isang ginang.
Ang problema ko po ay tungkol sa pag-aanak. Dalawang beses na po akong nakunan at yung pangatlo naman po ay namatay sa aking sinapupunan. Limang buwan na po yung bata sa loob. Ngayon po ang aking asawa ay nasa Taiwan at doon nagtatrabaho. Gusto na po naming magkaanak kaya balak din po niyang umuwi. Ako po ay nagpa-pap smear na at may nakitang kaunting gasgas sa aking bahay-bata.
Regular naman po ang aking menstruation period at wala naman kaming diperensiya pareho. Ang problema ko po ay magbabakasyon ang aking asawa ng dalawang buwan at nais na po naming makabuo kaagad. Ano po kayang gamot ang puwedeng inumin para magbuntis agad ako?
Magkakaanak pa po kaya ako kahit tatlong beses na akong nakunan? Ang pag-inom po ba ng vitamins ay nakapagpapahina ng hormones sa isang babae? Ang exercise po ba ay nakakapagparami ng sperm cell ng isang lalaki? May maire-recommend po ba kayong OB-Gynecologist na makakatulong sa amin?
Pagpalain po kayo ng ating Panginoong Hesus. — Mrs. J
Dear Mrs. J,
Ang nakunan ay tumutukoy sa miscarriage. Sinasabi nating nakunan ang isang babae kung ang dinadala niya sa sinapupunan ay nalaglag nang di sinasadya bago ang ika-20 linggo ng pagbubuntis (ikalimang buwan). Kadalasan, ang mga sanggol ng babaing nakukunan ay nasa ikatlong buwan.
Kapag nakukunan ang isang babae, siya ay dumaranas din ng labor at pagluwang ng cervix at pananakit sa dakong puson.
Bakit kaya nakukunan? Ano kaya ang sanhi? Heto ang ilang dahilan:
• Mga fetus na may taglay ng abnormalities.
• May sakit ang nanay gaya ng alta presyon, sakit sa puso o bato, diabetes, o sa thyroid.
• Abnormalidad sa matris at inunan.
• Kung masyadong gastado (lax) na ang cervix.
• Matinding kakulangan sa vitamins.
• Mga ehersisyong mararahas.
Oo, puwede ka pang magkaanak kahit tatlong beses ka nang nakunan. Walang kaugnayan ang pag-inom ng vitamins sa paghina ng iyong hormonang pambabae.
Nag-eehersisyo man ang lalaki o hindi, tuloy-tuloy ang pagpupundar niya ng sperm cells sa katawan. Sinumang doktor na gynecologist na dalubhasa sa infertility ay puwedeng kunsultahin.