ABALANG-abala ngayon sa paglilibot sa mga pampublikong terminal si Transportation Sec. Joseph Abaya.
Agresibo sa pagbibilad sa publiko at sa media para sa publisidad nang administrasyon nang sa ganun makapag-iwan ng tatak sa isipan ng taumbayan o recall.
Umaasa na kasabay ng pagiging abala ng mga tao sa Undas, maibabaon na rin sa kalimot ang kontrobersyal na ‘tanim-bala’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ni hindi man lang nakaringgan ng pagkondena sa karumal-dumal na krimen. Maging ang pamunuan ng NAIA tikom din ang bibig sa usapin.
Kaya tuloy ang mga simpleng indibidwal partikular ang mga overseas Filipino worker (OFW), nababahala na.
Nag-aalangan nang umuwi sa sariling bansa sa takot na baka sila naman ang susunod na mabiktima ng mga matatakaw at P.G. o patay gutom na mga kotongero sa NAIA.
Pero sa halip na magbigay ng warning si Abaya sa mga nasa likod ng tanim-bala, ang kaniyang ibinibida sa harap ng mikropono at kamera, may bago na daw silang ipinatutupad na sistema.
Ang mga pasahero na raw ang magbubukas ng kanilang mga gamit sa airport at hindi na ang mga kawani ng NAIA.
Tulad nang nauna ko nang sinabi sa BITAG Live, dapat siguro ilagay na sa martial law ang NAIA nang matuldukan na ang mga modus tulad ng ‘tanim-bala.’
• • •
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.