Panalangin
MAY isang kuwento tungkol sa magsasaka na mahilig magdasal. Lagi siyang may dalang libro ng mga dasal upang kapag walang ginagawa ay ito ang kanyang binabasa.
Minsan ay inabot siya ng gabi sa bukid dahil napilayan ang kanyang kabayo na kanyang sinasakyan pauwi sa kabayanan. Magdadasal sana siya ngunit nalimutan niya ang kanyang libro ng mga dasal. Hindi niya kabisado ang mga dasal kaya naisipan na lang niyang i-recite isa-isa ang alphabet nang limang beses pagkatapos ay nagdayalog siya sa Diyos ng ganito:
“Diyos ko, ikaw na ang bahalang bumuo ng mga dasal mula sa mga alphabet na aking binigkas. Pasensiya na po, hindi ko po kabisado ang mga dasal. Maraming salamat po.”
Natuwa ang Diyos pagkatapos Niyang marinig ang panalangin ng magsasaka. Sabi Niya sa mga anghel:
“Sa lahat ng panalanging aking narinig ngayong araw na ito mula sa mga tao ay ‘yung panalangin ng magsasaka ang aking pinakagusto dahil ito ang pinakasimple pero pinakamatapat na panalangin.”
Siguro, totoong epektibo ang panalanging mula sa puso o tinatawag nating spontaneous prayer. Noong 1994, habang bumabagtas sa EDSA ang bus na aming sinasakyan, ito ay bumangga sa forklift truck na ginagamit sa construction ng kalsada. Sa lakas ng impact, ang matulis nitong bakal ay tuluy-tuloy na tumusok sa gilid ng bus. Ang bakal ay tumama sa second row ng upuan. Buti na lang, walang tao sa 1st, 2nd at 3rd row. Kami ay nasa ikaapat na row. Kitang-kita ko ang pagpasok ng bakal sa butas na nilikha nito.
Gusto kong magdasal pero sa sobrang takot, hindi ko malaman kung ano ang dadasalin. Napasigaw na lang ako ng: Diyos ko, iligtas mo kami! Biglang huminto ang forklift sa paglapit sa bus kaya ang mahaba nitong bakal ay huminto na rin sa pagpasok sa butas. Ilang pasahero ay nagtamo ng bukol. Ako ay hindi man lang nagasgasan. Ganoon din ang aking anak na apat na taong gulang noon. Naiyak ako sa sobrang pasasalamat.
The fewer the words, the better the prayer.-- Martin Luther
- Latest