HINDI pa rin nawawala ang katiwalian sa ilang sangay ng pamahalaan. Ito ang inamin ni President Noynoy Aquino noong nakaraang linggo sa harap ng top executives ng semiconductors at electronic firms na mayroon pa ring corruption sa mga sangay ng pamahalaan. Mayroon pa raw mga ahensiya na patuloy ang pananamantala sa kabila na ipinaiiral ng pamahalaan ang transparency at accountability. Pero patuloy pa rin daw ang kanyang gobyerno para lubusang mabunot o malipol ang mga corrupt. Hindi raw titigil ang kanyang gobyerno sa kampanya laban sa katiwalian.
Ang pahayag ng Presidente ukol sa mga nangyayaring corruption ay kaugnay sa mga natanggap niyang report mula sa mga negosyante na laganap ang red tape at katiwalian sa gobyerno.
Pero may payo ang Presidente para lubusang mawala ang corruption sa gobyerno. Huwag daw manuhol. Kaya raw may tumatanggap ng lagay ay dahil may naglalagay. Kung walang maglalagay wala ring corruption. Ito raw ang simpleng paraan para maputol ang katiwalian sa pamahalaan.
Tama naman ang Presidente sa kanyang sinabi. Pero nararapat ding paigtingin ng kanyang gobyerno ang paglaban sa corruption. Sa aming paniwala, kulang pa ang sigasig ng pamahalaan para ganap na malipol ang mga corrupt sa pamahalaan. Kailangang magkaroon pa ng ngipin sa paglaban sa mga tiwali.
Nararapat ding ang italaga niyang pinuno sa isang ahensiya ay may kakayahang supilin ang mga nasasakupan sa paggawa ng katiwalian. Hindi uubra ang pinunong takot at nagpapadala lamang sa agos.
Halimbawa ay sa Bureau of Customs (BOC). Halos lahat ay nakaaalam na talamak ang corruption sa BOC. Hindi lamang opisyal at empleado ang corrupt kundi pati na rin ang janitor at security guard. Noon pa, marami nang nangyayaring kababalaghan sa BOC at ni isa sa mga naging hepe nito ay walang nagtangkang lupigin ang mga “buwaya”.
Totoong may kampanya ang pamahalaan laban sa mga tiwali pero kulang pa ito. Kailangang makita na maraming maitapon sa kulungan at doon hayaang mabulok.