Sekyu, nairita sa kanyang kulugo binaril ng shotgun!

LIMANG taon nang nasa daliri ni Sean Murphy, 38, isang security guard mula sa Doncaster, England ang kanyang kulugo at matagal na niyang ginagamot pero ayaw matanggal.

Hanggang isang kakaibang paraan ang naisip niya para matanggal na ang kulugo. Pero bago ginawa ang balak, uminom muna siya ng ilang boteng beer at nang lasing na, kinuha niya ang 12-gauge shotgun at inupakan ang kulugo sa daliri.

Tagumpay ang ginawa ni Murphy sapagkat nawala ang kulugo pero lahat nang daliri niya ay nawala rin. Nadamay ang mga iyon sa lakas ng shotgun.

At hindi lamang iyon ang naging problema sapagkat ang shotgun na ginamit ay hindi kanya. Napag-alaman na ang shotgun ay ninakaw noong 2009. Pero giniit ni Murphy na napulot lamang niya ang shotgun malapit sa kanyang trabaho noong 2011.

Nag-plead siya ng guilty sa illegal possession of firearm at hinatulan ng anim na buwang pagkabilanggo. Kahit na makukulong si Murphy, happy pa rin siya sapagkat nasolb niya ang problema sa kanyang kulugo, sa kabila na naubos ang kanyang mga daliri.

Sekyu, 20 taon na nagpanggap na siya ang veteran security officer sa airport

ANG veteran security officer ng Newark Liberty International Airport na si Jerry Thomas, ay 20 taon na sa serbisyo. Isa siyang model employee. Umangat siya sa puwesto sa pamamagitan ng mahusay na paglilingkod hanggang maging superbisor.

Subalit hindi pala siya ang tunay na si Jerry Tomas. Isa palang peke o impostor ang nagpakilalang security officer. Ang tunay na Jerry Tomas ay patay na. Pinatay ito noong 1992.

Ang impostor ay nakilalang si Bimbo Olumuyiwa Oyewole, isang Nigerian. Mula 1992 ay siya na ang umaktong security officer sa airport at walang nakakilala sa kanya. Naitago niya ang identity sa loob ng 20 taon.

Nabisto ang pagpapanggap ni Bimbo nang magkaroon ng background check ang FJC Security. Isinagawa ang background check sa pamamagitan ng fingerprint identification.

Natuklasan ang pagpapanggap ni Bimbo dahil sa fingerprint. Nagkaroon pa ng federal background check at nalaman na tatlong security companies na ang pinagtrabahuhan ni Bimbo bago napunta sa FJC. May masamang record sa ibang kompanya si Bimbo.

Sinampahan siya ng kasong identity theft.

Show comments