KAPAG pinahahalagahan mo ang mga pinaghirapan mong pera alam mo kung paano ito iingatan para hindi basta mawaldas.
Sa hirap ng buhay kailangan madiskarte ka at maabilidad. Lahat ng bagay na pwedeng mapagkakitaan susubukan mong pasukin.
Ganito ang inisip ng dating Overseas Filipino Worker (OFW) si Wilrito “Pets” Parano. Tubong Samar si Pets at nang makapagtapos ng High School nagpunta siya ng Maynila.
“Naglakas loob lang ako. Kung ano anong trabaho ang napasok ko hanggang sa mabigyan ako ng pagkakataon na makapag-abroad,” ayon kay Pets.
Sa una niyang bakasyon nagpakasal na sila ng kanyang girlfriend na taga Samar din.
Nung una tuwing umuuwi siya ng Pilipinas tumitira sila sa hotel kapag bakasyon niya. Ayaw naman nilang makitira sa mga kamag-anak dahil nahihiya silang mag-asawa.
“Nung nag-aabroad po ako yung asawa ko sekretarya ng isang ‘export company’. May trabaho na din siyang fishing vessel sa Mindoro. Naisip naming mahirap kapag lagi lang kaming naghohotel,” kwento ni Pets.
Pagbalik ni Pets sa Riyadh saka nakita sa Internet ni Camille ang Lancaster New City na ginawa ng isa sa pinakakilalang developer sa bansa na Property Company of Friends Inc. o mas kilala sa tawag na PRO-FRIENDS.
Isang permanenteng tahanan ang mas binigyan ng pansin nina Pets. Kung iisipin mo nga naman mas mahal ang babayaran mo bawat araw kung sa hotel ka titira.
Mas maganda pa rin ang sariling bahay na maaari mong uwian anong oras mo mang gustuhin.
“Taong 2012 nang tumigil na akong mag-abroad. Sa Lancaster na kami tumira. Naisip ng misis ko na magkaroon kami ng pwesto sa Lancaster Terminal,” salaysay ni Pets.
Sinimulan nila sa pag-franchise ng Sweet Corner na ang tinitinda ay puro Sweet Corn. Abala sila sa fishing vessel kaya’t kumuha sila ng tao para magbantay dito.
“Kapag nandun ako nagbabantay din ako. Sinisigurado kong maayos ito at hindi napapabayaan ang negosyo,” sabi ni Pets.
Naging maganda ang takbo ng negosyo nagbukas pa sila ng isang tindahan. Ang Alekhob Shawarma noong Setyembre 2015. Katabi lang ito ng Sweet Corner sa Lancaster New City.
Inisip nilang sundan ito kaagad dahil kumikita na sila at napapansin nilang dadami ang tao sa Lancaster kaya’t baka masundan pa ang mga stalls na ito.
Sa kanilang fishing vessel naman ay nagsasalitan silang mag-asawa. Minsan umaabot ng isang buwan ang pagpalaot nila.
Hati naman sa responsibilidad si Pets at ang kanyang asawa. Siya ang namumuno sa mga tao habang ang pera ay nasa pangangalaga ng asawa niya tulad ng nakaugalian ng mga Pilipino.
Tinanong din namin si Ms. Camille Garcia na isang Psychologist kung mas maganda ba na mag-asawa ang magka-partner sa isang negosyo.
“Kung tutuusin kasi mas madali yung sabihin na natin kung partners kayo tapos magkarelasyon dahil sa simula siguradong napag-usapan na nila ‘yan,” ayon kay Camille.
Mahirap daw kasi kapag magkaibigan lang dahil sakaling malugi o nagkaroon ng problema nagkakaroon ng sisihan.
Dagdag pa ni Camille kalimitan daw sa isang korporasyon ang babae ang may hawak ng pera kaya’t kinakailangang magaling siyang mag-budget nito. Naisip niya na dahil dalawa na ang negosyo ng mag-asawa baka sakaling maghati sila kung sinong mag-aasikaso at dun magsisimula ang kompetisyon.
“Kailangan lang nilang isipin na magkarelasyon sila at kailangan ng team work. Magbabago naman ito kapag nagkaroon na sila ng anak. Kailangan maging balanse ang oras sa pamilya at negosyo,” pahayag ni Ms. Camille.
Maliban sa magagandang naririnig natin sa mga ginagawang komunidad ng PRO-FRIENDS ay may mga natutulungan din silang mamamayan. Dahil sa dami ng tumatangkilik sa bahay na ginagawa nila may mga homeowners silang kumikita dito.
May sarili silang terminal at halos lahat ng taong nakatira dun ay dumadaan sa lugar.
Kapag pumipili tayo ng bahay na bibilhin isa sa mga nauuna sa listahan natin ay kung pwede ba tayong kumita dito. Hindi lang tahanan ang natagpuan nina Pets kundi maging ang negosyong makakatulong sa kanilang pagsisimula ng pamilya.
PARA SA ANUMANG REAKSIYON, biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.