NAGLALABASAN ang ‘epalogs’ sa mga lugar na matinding nasalanta ng kalamidad.
Mga kunwari’y mahabagin, maunawain at matulungin pero pusong pating at mula sa kampon ni Taning.
Naglilibot sa mga lugar na tinamaan ng bagyo, ginagamit ang pondo ng gobyerno sa sarili nilang interes. Sinasamantala ang pangangailangan at matinding kagipitan ng mga tao sa sitwasyon na hindi naman nila kagustuhan.
Sa unang tingin aakalaing lehitimo ang kanilang pagkakawang-gawa pero kung aanalisahin at susuriin may motibo sa likod nito at ang kapalit ay boto.
Ganito ang mga trapo. Umi-epal, nagpapasikat sa kanilang mga constituent o botante. Talagang magpapalad ng papel at ibibidang sila ang dahilan kung bakit nagkaroon ng pondo.
Para bang walang mga financial assistance at relief goods na makakarating sa mga residenteng naapektuhan ng kalamidad kung hindi dahil sa kanilang sariling pagsisikap kuno.
Bulok na estilo pa ng ibang mga pulitiko, kukunin ang mga relief goods sa pamahalaang nasyunal pero pagdating sa kanilang rehiyon ang mga ayuda, na-repack na.
Iba na ang lalagyan ng mga ayuda at ang kanilang mga namamagang mukha na ang makikita sa mga supot na iniaabot sa mga tao.
Ngayong eleksyon, siguradong bubuhos ang pondo sa mga tinamaan ng matinding kalamidad. Ang mga pondong noon pa dapat ibinigay, ngayon palang naglalabasan.
Bantayan ang mga lalapit at mag-aabot ng ayuda. Maging matalino at paladuda. Huwag papatsubibo!
* * *
Para sa iba pang mga anti-crime tips, abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.