Welga

FLASH Report: Nagwelga ang mga gambling financiers sa Cavite, hindi dahil sa mahigpit na kampanya ni provincial director Sr. Supt. Eliseo Cruz laban sa kanila, kundi dahil sa kasuwapangan sa pitsa ng tong collector na si SPO4 Dominador Osias Jr. Ubod pala ng takaw sa pitsa nitong si Osias dahil bukod sa palaging nanganganak ang operating unit ng Cavite PNP, eh halos linggo-linggo rin ang hirit n’ya. Palaging buntis itong si Osias at palagi ring may birthday sa mga opisyal ng Cavite PNP, di ba mga kosa? Kaya’t nilabanan ng mga gambling financiers sa pangunguna nina alyas Jessica, Jun Guinto at Jun Lakan at ipinasya nilang magsara na lamang para makaiwas sa lupet ni Osias. Punyeta! Sa tanang buhay ko, ngayon ko lang naranasan na pati sa pasugalan ay may nagwelga ah, di ba mga kosa? Kaya’t sa pagsara ng pasugalan sa Cavite ng nakaraang linggo, apektado ang tong collection ni Atty. Gerry Asuncion, ang bagman ni Calabarzon police director Chief Supt. Richard Albano; ng Office of Internal Security (OIS) ni DILG Sec. Mel Senen Sarmiento; Special Police Assistance (SPA) ni Chief Supt. Bart Tobias; nina alyas Piskal at Lito Guerra alyas Bombay ni PNP chief Dir. Gen. Ricardo Marquez; ng CIDG; NBI Tagaytay: GAB, at iba pang operating unit ng PNP. Hehehe! Nganga sila ngayon, di ba mga kosa? Kaya kung gusto nina Sarmiento at Marquez na mapasara ang jueteng at iba pang sugal sa bansa, kunin nila ang serbisyo ni Osias at ‘tyak ang pasugalan sa buong bansa ang mag-welga. Hahaha! Punyeta! Itong si Osias lang pala ang kasagutan sa matagal nang problema sa jueteng! Tumpak! Si Osias ay naka-assign sa CIDG PRO4-A!

* * *

Matapos ang halos 10 taon na pagtatrabaho bilang nurse sa US, dumating sa bansa si Arthur Bisnar noong 2013. Bumalik sa PNP si Bisnar at nakuha niya ang dating ranggo na chief inspector o major. Pagkatapos ng halos isang taon, na-promote si Bisnar na superintendent o lt. colonel at naging hepe ng intelligence ng CIDG. Hindi pa nga naka-isang taon, heto’t nagpa-promote na naman si Bisnar bilang sr. supt o full colonel dahil nandun na siya naka-assign sa ngayon sa CIDG PRO4-A kung saan TO position ito. Lahat nang mga junior police officers ng PNP ay nakamasid sa ngayon kay Bisnar dahil sariwa pa sa isip nila ang ipinagmamalaki ni Marquez na ang promotion dapat sa PNP ay dadaan sa meritocracy o kagalingan sa trabaho. Subalit maliwanag pa sa sikat ng araw na ang promotion ni Bisnar ay labag sa alituntunin na timing grade ng PNP kung saan dapat ka lang ma-promote halos tatlong taon bago ang huling promotion mo. Get’s n’yo nga kosa ko dyan sa Camp Crame? Punyeta! Super bagyo ang padrino ni Bisnar at nilunok ni Marquez ang meritocracy program n’ya? Ano sa tingin n’yo former PNP chief at Sen. Ping Lacson at PCSO chairman Ayong Maliksi Sirs? Hehehe! Weder-Weder lang ‘yan!

Kung sabagay, tulad ni Bisnar, binabantayan din ng mga junior officers si Supt. Glen Dumlao na nakatoka ring ma-promote sa TO position na Motor Vehicle Clearance Office (MVCO) ng HPG. Tulad ni Bisnar, nagtago rin sa US si Dumlao, dahil isa siya sa mga akusado sa Dacer-Corbito slays. Ang PRO4-A at MVCO, mga kosa, ay matawag kong juicy positions sa PNP kaya naglalaway sa inggit ang mga junior officers sa kanila. Get’s n’yo mga kosa? Na-monitor pa ng mga kosa ko na palaging reporting sa kuwarto ni alyas Piskal si Dumlao na may dalang bag. Subalit pag-alis niya, palaging nakakalimutan ni Dumlao ang bag niya. Naku ha! Intrega…este intriga ito ha?

Kahit abot-langit naman ang pagtutol ng junor officers ng PNP sa landas na tinahak nina Bisnar at Dumlao para sa promotion nila, manhid naman ang liderato ni Marquez ukol dito. Sinabi ng mga kosa ko, na pinayuhan lang ng mga kaalyado nila sina Bisnar at Dumlao na mag-lie low muna para di maungkat at mapag-usapan ang kaso nila. Kagaleng na solution no, mga kosa? Kaya ang tanong sa ngayon na umiikot sa Camp Crame, may pagbabago ba sa kalakaran sa PNP sa liderato ni Marquez, hindi lang laban sa jueteng, kundi maging sa promotion? Paki sagot Gen. Marquez Sir! Abangan!

Show comments