NAGPAPALIT pala ng damit ang babae nang buksan ni Juan ang pinto. Biglang naitakip ng babae ang hinuhubad na blusa at napasigaw.
“Aayyy! Nagpapalit po ako ng damit!”
Biglang atras si Juan.
‘‘Sorry! Sorry!’’
Hinatak niya ang pinto para sumara. Hiyang-hiya si Juan. Nagbalik siya sa opisina niya.
Hindi naman niya sinasadya ang nangyari. Sino ba ang mag-aakala na nagpapalit siya ng damit?
Pero sinisi niya ang sarili kung bakit hindi muna kumatok. Sumugod kaagad siya sa kuwarto. May leksiyon na siya. Naalala niya ang sabi ng kanyang inang si Aling Encar na huwag gagawa ng anumang kabastusan sa babae. Igalang ang babae lalo pa nga at ang mga ito ang customer ng kanilang boarding house. Laging pangalagaan ang mga kababaihan sa lahat nang sandali.
Kaya naman siya nagtungo sa babae ay para itanong ang pangalan. Nakalimutan niyang itanong kanina. Kaila-ngan kasi niyang irekord ang mga impormasyon ukol sa babae. Mahalagang malaman niya ang pangalan, edad, address, anong school ang pinag-aaralan at iba pang impormasyon. Sasabihin din niya rito kung magkano ang downpayment at ang buwanang upa.
Pagkaraan ng isang oras, muli siyang nagtungo sa kuwarto para malaman kung tapos nang maglinis ang babae.
Kumatok si Juan para hindi na magkamali.
Binuksan ng babae,
‘‘Tapos ko na pong linisin, Sir.’’
“Ang bilis mong maglinis.’’
“Hindi naman po marumi, Sir.’’
“A oo nga. Lagi kasing sarado ang pinto at bintana.’’
Hindi makatingin si Juan nang deretso sa babae.
Maya-maya ay nagtanong si Juan.
“Ano nga ang name at apelyido mo?’’
“Mahinhin Cruz po. Twenty years old po ako at taga-Laguna. Kumukuha po ako ng Business Administration’’ (Itutuloy)