Midnight circular ni Icot Petilla
DAPAT imbestigahan ng Malacañang ang “midnight circular” na inilabas umano ni dating Energy Secretary Jericho “Icot” Petilla. Ginawa umano ito bago umalis sa DOE si Petilla.
Dahil sa circular na ito na tinatawag na power bidding or Competition Selection Procedure (CSP), nakaambang tumaas ang singil sa kuryente.
Sa ilalim nito, ang mga electric cooperatives gayundin ang mga private distributors ay kailangang ipa-bid ang kanilang power supply requirements sa mga lalahok na power generators.
Pero limitado lang ang nasabing coopeatives at distributors sa kung sinumang generators ang nais na sumali sa bidding.
Kung ganito ang magiging sistema ay maaring magdikta ang mga power generators ng presyo dahil hindi naman dadaan sa pagsusuri ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang kontrata ng mananalong bidder.
Sa kasalukuyang sistema, ang mga kooperatiba at distributors ay malayang makakapamili ng generator na mapagkukunan ng enerhiya at nakipagtawaran para makakuha ng mas mababang presyo ng kuryente.
Kaya may mga sektor sa enerhiya na nagtataka kung bakit ninais ni Petilla na baguhin ang sistema at magsagawa pa ng bidding na magreresulta upang magmahal ang presyo ng kuryente na ang publiko ang magsasakripisyo.
Makabubuting ipaliwanag ni Petilla sa taumbayan kung ano ang tunay na layunin dahil taliwas ito sa kapakanan ng mamamayan. Kandidato pa naman siyang senador.
Nag-iisip ang publiko kung may pakinabang dito si Petilla lalo pa’t hindi naman lingid sa kaalaman nang lahat na malaking halaga ng pondo ang kakailangan sa kampanya ng isang kandidatong senador.
Maari namang rebyuhin ng Malacanang ang circular ni Petilla at kung mapapatunayan na disbentahe sa interes ng publiko, huwag ipatupad at bumalik na lang sa dating sistema.
- Latest