Dear Dr. Gatmaitan,
Tagasubaybay ako ng iyong kolum simula nang mag-abroad ako. Nais kong malaman ang iyong opinyon sa ilang sakit. Napakahalaga nito sa aming mga OFW na ayaw kumunsulta sa mga doktor dito. Iba kasi ang mga Pilipino kung magpayo.
Ako po ay 26 anyos, may asawa. Ikinasal ako noong nakaraang taon sa Pilipinas. Pagkaraan ng dalawang linggo, muli kaming nagbalik na mag-asawa rito sa Saudi. Magkaiba ang aming pinapasukang trabaho. Nagkikita at nagkakasama lamang kami tuwing araw ng Huwebes at Biyernes. Pero ang problema ko ay ayaw ko munang magbuntis habang narito pa kami dahil tiyak na mahihirapan ako sa aking trabaho.
Ayoko pong gumamit ng pills dahil baka pumalya ako sa pag-inom. Natatakot naman ako sa IUD dahil doon sa nabasa ko sa diaryo na dumikit ito sa ari ng lalaki at hindi na nagkahiwalay. Ayaw namang gumamit ng kondom ng mister ko dahil hindi raw siya komportable at hindi siya nasisiyahan.
Dahil dito, gusto ko pong malaman kung kailan kaya ang aking safe day sa pakikipagtalik. Ang mens ko ay tuwing ika-14 o 15 ng buwan. Ilang araw po ang bibilangin bago at matapos mag-mens para malaman kung kailan ang safe day? Ganu’n na lang muna ang balak naming mag-asawa para maiwasan ang pagdadalang-tao. Anyway, hanggang next year lang naman dito. Tulungan mo po kami. Nahihirapan na kaming mag-asawa. --Mrs. R ng Al-Khobar, KSA
Rhythm method o tinatawag na “calendar method” ang tinutukoy mong pagtiyak kung kailan ang sinasabing “safe day” sa pakikipagtalik upang maiwasan ang pagbubuntis. Naiintindihan ko ang concern mo sapagkat ang hirap nga namang magbuntis habang naghahanapbuhay kayong mag-asawa sa ibang bansa.
Ganito ang pagtaya sa “safe day.” Importanteng tandaan ang unang araw nang pagdating ng iyong buwanang dalaw o menstruation (“mens” ang pinaigsing termino rito). Kung ngayon ka dinatnan ng mens, ang tawag natin dito ay Day 1 (unang araw kasi). Simulan mo ang pagbibilang mula Day 1. Sa Day 14, ang isang babaeng regular kung datnan ng regla ay nag-o-ovulate o naglalabas ng itlog. Ito ang panahong dapat iwasan ng mag-asawa na magtalik kung ayaw munang magkaanak.
Pero minsan ay napapaaga o nahuhuli nang kaunti sa Day 14 ang paglabas ng itlog. At dahil dito, ipinapayo namin na iwasan ang pakikipagtalik mula Day 11 hanggang Day 20 para makatiyak na hindi magbubuntis. Ito ang naging batayan kung bakit sinasabi nilang safe makipagtalik “5 days before at 5 days after mens”.
Pero nais ko lang ipaalala sa inyo na ang calendar method ay hindi garantisadong paraan upang makaiwas sa pagbubuntis. Meron pa ring nabubuntis sa kabila ng pagpapapraktis ng rhythm method.
Mas maipapayo ko ang pag-inom ng pills o paggamit kaya ng condom para sa inyo. Siyempre, may kaunting sakripisyo.