MARAMING mamamayan lalo na sa Luzon ang naging biktima ng bagyong Lando lalo ang sektor ng pagsasaka.
At dahil sa nalalapit na ang 2016 elections ay asahan na kanya-kanyang estilo ang mga epal pulitiko upang samantalahin ang pagkakataong ito.
Maaring bentahe sa mga biktima ang pagkukumahog ng mga kandidato upang magpapansin sa mga botante.
Pero ang disbentahe naman nito ay kawawa naman ang mga biktima na ang kanilang punong opisyal ay hindi kapartido at hindi maambunan ng biyayang tulong lalo na mula sa national government.
Hindi na natuto ang gobyerno sa mga kalamidad lalo na ang sistema sa mga Yolanda victims na hindi lahat nabigyan ng ayuda kaya nagkaroon ng pagpa-panic at kaguluhan.
Sana naman, huwag gamitin sa pamumulitika ang kalamidad upang magpapansin sa publiko.
Sa mga nais na tumulong sa mga biktima ay makakabuting idirekta na ito sa mga tao at huwag nang padaanin sa mga lokal na opisyal..
Kawawa kasi ang mga biktima ng kalamidad kung ipapadaan pa sa lokal na opisyal at mahaluan ng pulitika lalo na ang mga punong barangay na kalaban ng mayor o gobernador at damay ang mga pangkaraniwang mamamayan.
Samantala, kung taos sa puso ng mga pulitiko na tumulong sa mga biktima ng kalamidad ay huwag na nilang ipaalam sa media at ipangalandakan sa publiko.
Hindi dapat gamitin sa pulitika ang pagtulong sa kalamidad at ang pinakamahalaga ay maramdaman ng mga biktima ang pagkalinga ng gobyerno o sinumang indibidwal.