Manugang na ‘Hilaw’

ISANG araw habang nagpapagaling mula sa isang mabigat na sakit si Marina ay dumating sa kanilang bahay ang kanyang anak na lalaki, si Joel,  na kasalukuyang nasa third year engineering course. Kasama nito ang girlfriend. Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Joel: Mommy buntis po si Gel. Magpapakasal po kami.

Pakiramdam ni Marina ay lalong kumirot ang sugat na dulot ng kanyang operasyon sa suso. Bigla siyang tumayo at sinampal ang anak. Gumuhit ang takot sa mukha ng girlfriend. Tumulo ang luha ni Joel.

“I’m sorry Mommy. Pero mahal ko po si Gel. Gusto kong panindigan siya.”

Napaiyak na rin si Marina.

Bakit  ngayon pa ? Isinabay mo pa sa aking problema. Alam   mo ba kung gaano kabigat ang pinagdadaanan ko ngayon? Diyos ko naman Joel…Kayo ang nagpasarap, solohin n’yo ang problemang ‘yan! Simula ngayon, wala na akong pakialam sa inyo.

Sapat na ang eksenang iyon para hindi na magpakita ang girlfriend kay Joel. Sulat na lang ang iniwan nito sa nobyo. Ayokong maging dahilan ng pagkakasira ng relasyon ninyong mag-ina. Don’t worry, honey, kaya kong buhayin ang ating anak. Mas magaan ito kumpara sa pinagdadaanan ng iyong Mommy. Sorry…pakisabi sa kanya.

Pagkaraan ng walong taon, nakarating kay Marina na babae pala ang naging anak ni Joel. Sa Amerika na naninirahan ang mag-ina. Nurse doon si Gel. Kamukhang-kamukha raw ni Marina ang bata. Ang nagkukuwento ay pinsan ni Marina na nagkataong nagtatrabaho sa ospital na pinaglilingkuran din ng kanyang manugang na hilaw. Parang nasabik si Marina sa apong hindi nakikilala. Si Joel ay may sarili nang pamilya.

Nagpadala ng sulat si Marina kay Gel pero hindi sinagot. Ini-add niya sa Facebook pero hindi ito tinanggap. Gusto ni Marina na makilala ang apo. Matapos ang paulit-ulit niyang pagpapadala ng sulat, sinagot siya ng isang napakaikling liham:

Simula po nang sabihin mong wala kang pakialam sa aking pagbubuntis dahil kami lang ang nagpasarap, naisip kong mas mabuti pang putulin ko na ang ugnayan namin ng iyong anak. Sana ay ganoon din po kayo. Panindigan mo ang iyong sinabi na wala kang pakialam sa akin. Hindi ko kailangan ang pagkilala ng iyong pamilya sa aking anak. Sana ay igalang ninyo ang aking kagustuhan dahil minsan kong iginalang ang pasiya mo na huwag kitang guluhin sa pagbubuntis ko.

               

             

Show comments