HINDI lamang dengue ang pinangambahan ngayon sa mga binahang lugar sa Northern at Central Luzon kundi pati ang leptospirosis. Kung mabagsik ang dengue, mas mabagsik ang leptospirosis. Ang lepstospirosis ay isang bacterial infection kung saan ang ihi ng hayop particular ang daga ay humahalo sa baha at pumapasok sa sugat ng taong lumusong sa baha. Ang mikrobyong leptospira ang nagdadala ng infection.
Ngayong nakalubog sa baha ang maraming lugar, malaki ang posibilidad na marami ang magkaroon ng leptospirosis. Kaya pinag-iingat ng Department of Health ang mga tao na huwag basta-basta lulusong sa baha na walang sapin sa paa lalo na kung mayroong sugat. Kapag may sugat sa talampakan o binti, dito papasok ang mikrobyo at makalipas ang ilang araw magkakaroon ng lagnat. Kasunod ng lagnat ay ang pamumula ng mata, mahihirapang umihi at maninilaw ang balat.
Hindi dapat ipagwalambahala ang mga sintomas ng leptospirosis. Magpatingin agad sa doctor para mabigyan ng lunas. Kapag hindi nagamot, mamamatay ang pasyente.
Hindi lamang sa Metro Manila may mga daga kundi pati sa probinsiya man o mga liblib na lugar. Karaniwang ang mga daga na sumisira sa mga palayan ay naghahatid ng leptospirosis. Ang kanilang ihi ay sumasama sa tubig baha at dito malulublob ang mga paang may sugat. Pagkalipas ng ilang araw ay lulutang na ang sintomas.
Payo ng DOH, magsuot ng bota ang sinumang lulusong sa baha lalo na ang mga may sugat o galos. Huwag hayaan ang mga bata na maligo sa baha sapagkat sila ang karaniwang tinatamaan ng leptospirosis. Ipinapayo rin ang paglilinis sa kapaligiran para walang matirahan ang mga daga. Puksain ang mga nagdadala ng leptospirosis.