Sir Juan (8)

HALATA ni Juan na nagpapa-charming sa kanya si Nectar. Siya lamang ang mahina at ayaw kumagat sa pain. Parang iniaalok na ni Nectar ang sarili. Inaakit siya. Nagpapahiwatig na si Nectar.

Pero dahil nga tiyope siya at mahina, hindi niya nagawang patulan o kagatin ang iniaalok ni Nectar.

At nagpapasalamat pa rin siya na naging tiyope siya dahil kung nagkataon na mabilis siya sa babae, baka nakuha na niya si Nectar. Baka nasampolan na niya si Nectar.

At ayaw niyang mangyari iyon. Ayaw niyang haluan ng kalokohan ang negosyong naiwan ng kanyang ina. Noon pa, lagi nang sinasabi ng kanyang ina na huwag gagawa ng anumang sangkot ang negosyo. Ito ang magiging dahilan nang pagbagsak. Kaya huwag na huwag gagawa ng anumang ikasisira. Nakatatak iyon sa isip niya.

Salamat at mahina siya sa babae. Pero sa isip ni Juan, babalikan siya ni Nectar. Hindi ito titigil hangga’t walang nangyayari. Kung maiiwasan, iiwasan niya.

ISANG umaga na abala si Juan sa pagkukuwenta ng gastusin ay nakarinig siya ng katok sa pinto. Kinabahan siya. Baka si Nectar na naman. Atubili siya kung papapasukin ito.

Pero kailangang magpasya siya.

“Pasok,” sabi niya.

Sumungaw ang kumatok. Babae. Maganda. Hindi si Nectar.

“Magandang umaga po.’’

“Magandang umaga. Halika.’’

“Mag-iinquire po ako kung may bakante pa sa boarding house n’yo.’’

Hindi makapagsalita si Juan. Napakaganda ng babae. Nauutal siya.

“Ha e kuwan. Wala nang bakante.’’

Nalungkot ang babae.

(Itutuloy)

Show comments