HINDI na dapat magtaka si Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Edgardo Tinio kung laman siya ng diyaryo, radio at TV nitong nagdaang araw matapos ibenta niya sa P1.1 milyon ang weekly take home pay niya sa mga pasugalan, beerhouse, nightclubs at iba pa. Dahil pinataasan niya ang weekly tong niya, nalagas din ang mga dating tong kolektor na may matagal nang relasyon sa media. At mukhang hindi naagapan ng mga bagong pasok na tong kolektor ni Tinio ang problema dahil kaliwa’t kanan ang inabot nilang delubyo, di ba mga kosa? At hindi hihinto rito ang aabutin na birada ni Tinio dahil tiyak hihiritin din ng mga bagong tong kolektor ang mga gambling lords at iba pang players para magkaroon din sila ng sariling take home para sa kani-kanilang pamilya. Get’s n’yo mga kosa? Paulit-ulit na bang sinasabi ko dito sa Supalpal na kapag ang isang pulis ay nagpa-bidding ng weekly tong n’ya, tiyak sisikat siya, hindi dahil sa accomplishment niya, kundi dahil sa kasuwapangan niya sa pitsa. Kaya sa pagbenta n’ya ng weekly tong niya, parang isinusugal ni Tinio ang future niya sa PNP. Sayang at may ilang taon pa siya sa serbisyo. Kung sabagay, sanay naman magsugal si Tinio dahil mahilig siyang magsabong, di ba mga kosa? Punyeta! Sa sugal siya kumikita at mukhang sa sugal din babagsak si Tinio, ano sa tingin n’yo mga kosa?
Sinabi ng mga kosa ko na pinapangarap ni Tinio ang maging hepe ng Calabarzon police at maa-ring makuha niya ito. Hindi naman kaila sa inyo mga kosa na ang QCPD ay nakatoka sa INC dahil nandun ang Central headquarters nila. Kaya kapag suportado ka ng INC malaki ang tsansa mo na mapunta sa maganda ring puwesto, hindi lang sa PNP, kundi sa anumang sangay ng gobyerno. Hindi na ako lalayo mga kosa dahil ang isang magandang ehemplo rito ay si Calabarzon police director Chief Supt. Richard Albano na dating QCPD director din tulad ni Tinio. Kaya kapag binitbit ng INC si Tinio, tiyak mapasakamay niya ang Calabarzon sa hinaharap, di ba Ka Ed Sir? Lalo na’t wala na si dating DILG Sec. Mar Roxas na pinangarap ng maging presidente ng bansa. Hehehe! Tiyak ‘yun!
Kapag nasira ang future ni Tinio sa QCPD, wala na siyang dapat sisihin mga kosa kundi ang mga tong kolektor niya na nagsulsol sa kanya. At ganun din si Albano dahil sa tangan niyang tong kolektor at bagman na si Atty. Gerry Asuncion na pinsan niya. Subalit paano ba mapatigil ang tong collection sa pasugalan at iba pang pagkakitaan kung mismong si PNP Chief Dir. Gen. Ricardo Marquez ay may uling din sa mukha? Eh, kalat na sa Camp Crame na ang mga alipores ni Marquez na sina alyas Piskal at Lito Guerra alyas Bombay ay may koleksiyon din sa pasugalan sa buong bansa gamit ang pangalan ng una? Ang ginawa nina Piskal at Bombay ay idinaan ang weekly payola ni Marquez sa mga regional directors (RD) para tahimik ang kalakaran nila. Kaya dinoble ng mga RD ang weekly payola nila para ang kalahati ay para kay Marquez, ayon kina Piskal at Bombay! Alam kaya ni Marquez itong gawain ng mga bataan n’ya na sina Piskal at Bombay? Ano sa tingin n’yo mga kosa? Dapat matanong si Marquez nitong pinagkaabalahan nina Piskal at Bombay sa isang press conference n’ya. Hehehe! Weder-weder lang ‘yan!
Kung tutuusin, wala pang inanunsiyo si Marquez kung ano ba talaga ang official stand n’ya laban sa illegal gambling mula noong maupo siya. At bilang ama ng PNP, paano niya masasaway ang mga RD, PD at iba pang official ng PNP na huwag makisawsaw sa illegal gambling kung siya mismo ay may uling sa mukha dahil kina Piskal at Bombay? Like father, like son, ‘ika nga, di ba mga kosa? Hayyyy! Punyeta! Kay ilap ng pagbabago sa hanay ng PNP! Abangan!