DAHIL sa kabiguan ng dalawang kapulungan ng Kongreso na mapagtibay ang batas laban sa political dynasty, tila lalong lumala pa ito sa nalalapit na eleksiyon.
Sa ngayon ay halos lahat na yata ng mga siyudad at lalawigan sa buong bansa ay umiiral na ang dinastiya.
Noon matapos ang pagpapatalsik sa regimeng Marcos at pumasok ang administasyon ni President Cory Aquino ay halos lahat nabuwag ang mga political dynasty.
Pero matapos ang ilang taon, muling nakabalik ang mga ito sa poder at hanggang ngayon ay lalo pang lumalala dahil lahat na ng posisyon ay pinapasukan na ng mga magkakamag-anak.
Hindi napigilan ng itinakdang term limits ang political dynasty sa bansa sa halip ay nag-iikutan at nagpapalitan lang naman ang mag asawa o mag-anak sa mga posisyon.
Masyadong napapaikutan ang batas sa term limits ng mga pulitiko kaya balewala ito at namamayagpag pa rin ang iilang pamilya sa pulitika.
Ayon sa Comelec, bumaba ang bilang ng mga kumandidato lalo na sa lokal na posisyon.
Isang malinaw na indikasyon ito na maraming umayaw na lumaban sa mga incumbent na opisyal dahil tiyak na susuka lang sila ng pera at malamang na matalo rin.
Malaya kasing nagagamit ng mga incumbent ang pondo ng bayan kaya naman walang panama ang mga kalaban kung hindi gaano kayaman.
Kung hindi maipupursige ng susunod na administrasyon ang anti political dynasty ay wala nang pag-asa ang iba pang pangkaraniwang Pilipino na manungkulan sa bayan.