Lalaki sa Ontario, hinayaang hawakan ang kanyang kamay ng isang lalaking may cerebral palsy
NAG-VIRAL sa internet ang photo ng isang lalaki sa loob ng isang bus habang hawak ng isang pasaherong lalaki ang kanyang kamay. Nangyari iyon sa Ontario, Canada.
Ang lalaking may mabuting kalooban ay nakilalang si Godfrey Cuotto, 21. Sumakay siya ng bus at pauwi na ga-ling sa trabaho. Nang makakita ng bakanteng upuan ay agad tinungo iyon ni Godfrey.
Pero nagulat siya nang isang pasaherong lalaki na may karamdaman ang nais makipagkamay sa kanya. Agad namang pumayag si Godfrey. Nagkamay sila.
Pero hindi roon natapos ang hiling ng lalaki na may cerebral palsy. Hiniling sa kanya na kung maaari ay hawakan ang kanyang kamay habang sila ay nakaupo sa bus. Pumayag si Godfrey at magkatabi silang nakaupo na hawak ng lalaki na nakilalang si Robert ang kanyang kamay.
Kalahating oras din na hawak ni Robert ang kamay ni Godfrey.
Nang kapanayamin si Godfrey ukol sa reaksiyon nito sa hiling ng lalaki, sabi niya: “Dapat hindi tayo maging selfless. Kailangan din nating malaman ang damdamin ng iba. Wala namang mahirap sa hiling niya. Basta hinayaan ko siya.’’
Tinawagan si Godfrey ng kaanak ni Robert at nagpasa-lamat sa kabutihang loob.
Lolo naiwan ang pitaka sa bahay, mga binili niya sa grocery binayaran ng isang mabait na babae
HALOS mapaiyak ang 84-anyos na si Arthur Bennett ng Morecambe, Lancashire nang bayaran ng isang babae ang kanyang groceries. Hindi niya akalain na may mga taong mabubuti ang kalooban.
Naiwan ni Lolo Arthur ang kanyang pitaka sa bahay at nalaman lamang niya iyon nang nakapila na sa cashier para magbayad. Nang dudukutin na niya ang pitaka, wala sa bulsa.
Pinagpawisan nang malamig ang matanda. Kahiya-hiya ito. Hindi niya malaman ang gagawin.
Hanggang isang babae ang nagpresentang magbabayad sa groceries ng matanda. Iniabot ng babae na nakilalang si Katie Louise ang £20 para pambayad.
At ang sabi raw ni Katie, “Sigurado po ako, magiging mabait ka rin sa ibang tao.’’
Sabi ni Lolo Arthur, babayaran daw niya si Katie pero tumanggi ang babae.