EDITORYAL - Hustisya, nakamit ng Sulpicio victims pagkalipas ng 7 taon
PITONG taon ang nakalipas bago nakamit ng mga biktima ng MV Princess of the Stars ang hustisya. Ipinag-utos ng Manila Regional Trial Court (RTC) sa Sulpicio Lines na bayaran ng P241.7 milyon ang mga kaanak ng biktima ng Princess of the Stars. Ang barko ay pag-aari ng Sulpicio Lines. Lumubog ang barko noong Hunyo 21, 2008 sa karagatan ng Sibuyan Island sa Romblon. Kasalukuyang nananalasa ang Bagyong Frank nang bumiyahe ang Princess patungong Cebu.
Mahigit 300 pasahero ang namatay sa trahedya subalit 62 biktima lamang ang pinayagan ng korte dahil ang iba pang kaanak ng mga biktima ay nabigong patunayan o magpresenta ng ebidensiya.
Napatunayan ng korte na nagkaroon ng kapaba-yaan ang Sulpicio Lines (ngayon ay Philippine Sapan Asia Carrier Corp.) at ang mga may-ari nito na sina Enrique Go, Carlos Go at Victoriano Go. Hindi umano naging maingat ang kapitan ng barko sa pagtahak sa karagatan sa kabila na mayroong paparating na bagyo. Sa kabila na mayroong paparating na barko, pinili pa rin umano ng kapitan na dumaan sa dating ruta gayung mayroon namang altenate route para maiwasan ang bagyo.
Ang hatol ng korte sa Sulpicio ay magandang palatandaan na mayroon pa ring hustisya sa bansa. Kahit inabot ng pitong taon bago nahatulan ang Sulpicio, masasabing hindi natutulog ang hustisya at nahatulan nga ang may kagagawan sa trahedya. Isang malaking leksiyon ito sa iba pang kompanya ng barko para maging maingat at nang hindi nalalagay sa kapahamakan ang buhay ng mga pasahero.
Mas mabuti pa nga’t medyo mabilis-bilis pa ang paghatol ng korte pabor sa mga naulila ng Princess kaysa naman sa mga nabiktima ng Doña Paz noong Disyembre 1987 kung saan 4,000 pasahero ang namatay. Hanggang ngayon mayroon pa umanong hindi nababayaran sa mga biktima ng Doña Paz. Patuloy pa rin silang naghahanap ng hustisya.
Maaaring magkaroon na ng pagbabago sa mga kompanya ng barko makaraan ang hatol ng korte sa Sulpicio. May leksiyon na para hindi na maulit ang trahedya. Sana naman, ang iba pang biktima ng Princess of the Stars ay makatamo na rin ng hustisya.
- Latest