TUWING nagkukuwentuhan daw ang aking dalawang anak at napapakinggan niya ito, wala raw maintindihan ang aking ina sa pinagsasabi ng mga ito.
Napatawa ako. “English ho ang usapan?”
“English-Tagalog, pero ewan ko ba, wala akong maintindihan.”
Tinanong ko ang aking dalawang anak kung ano ba ang pinagkukuwentuhan nila kapag naririnig sila ng kanilang lola.
“A, hindi talaga kami maiintindihan ni Nanay kasi tungkol sa video games ang aming pinagkukuwentuhan,” sagot ng aking bunso.
Isang araw ay aligaga sa paglilinis ang aking ina sa kuwarto ng apo na nasa second floor kaya tinawag nito ang apo na nasa ibaba ng bahay.
“Umadyo ka nga dine at kunin mo ang iyong mga libagen. Iadyo mo na rin ang tambo…wawalisin ko ang ilalim ng iyong higaan, ang daming apanas!” Tipikal na old Tagalog-Laguna.
Napatingin ang aking anak sa akin. “Ano ang sinasabi ni Nanay?”, tanong sa akin.
Pinuntahan ko sa itaas ang aking ina. “Inay huwag ka raw mag-German at hindi ka maintindihan ng iyong mga apo”. Humagikhik ng tawa ang aking ina at saka muling nagsalita, translation ng nauna niyang sinalita kanina. ‘German’ ang pabirong tawag ng aking mga anak sa salitang hindi maintindihan.
“Pumanhik ka rito at kunin mo ang marurumi mong damit. Iakyat mo rin ang walis tambo, wawalisin ko ang langgam sa ilalim ng iyong higaan.”
Habang bumababa sa hagdan, bumubulong ang aking anak: “Hashtag, German grandmother”.