‘It's Showtime!’
KAPIT mga kapamilya, kapuso, kapatid, hawak baka ka mahulog, madulas at madapa at hindi ka makasama sa biyahe papuntang Mayo 2016.
Ngayon nagsimula na ang pasahan ng Certificate of Candidacy (COC) sa Commission on Election (COMELEC) at gaya ng inaasahan dagsaan hindi lang ang mga kandidato kundi ang maging ang dala-dala nilang mga taga-suporta.
Limang araw ang ibinigay ng COMELEC para sa paghahain ng COC. Mula Oktubre 12, 2015 hanggang Oktubre 16, 2015.
Maglalaban-laban para sa posisyon ng Presidente at Bise sina Manuel “Mar” Roxas katambal si Leni Robredo, Grace Poe-Llamanzares at ang bise niya ay si Francis “Chiz” Escudero, Jejomar Binay katambal si Gringo Honasan at inaasahan din si Rody Duterte at Allan Peter Cayetano.
Sa huling bilang ngayong araw na ito Dalawampu’t dalawa (22) ang naghain ng hangarin tumakbo bilang presidente kasama na ang isang 72 taong gulang na taksi driver at ang nabansa-ggan minsan ng nuisance candidate na si Ely ‘Spike’ Pamatong na nagsunog ng bandila ng Tsina at nangakong babawiin ang mga isla sa bandang Pamana Reef, Spratley Islands at iba pa.
Kung tutuusin kahit sino may karapatang tumakbo. Kahit ilang beses niya gustuhin. Hindi naman ikaw ang magdedesisyon kundi ang taong bayan kung nararapat ka ba sa posisyon.
Ilan pa sa mga tatakbo bilang bise-Presidente ay si Antonio Trillanes, at si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na walang katambal na Presidente.
Mahahati ang ilang boto ng sinasabing ‘Bicol Block’ at mga karatig na probinssya at baka pagdating sa dulo ay maging Escudero-Marcos ang maiiwan na maglalaban.
Ang partido ng ating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III o PNoy na Liberal Party (LP) ay inanunsiyo na kahapon ng umaga kung saan unang araw ng pasahan ng COC ang listahan ng kanilang mga kandidato sa pagka-Senador.
Dumalo sa pagtitipong ito sina P’Noy, Presidential Candidate Mar Roxas at ang kanyang ka-tandem na si Leni Robredo at ilang pang kilalang mga pulitiko na kaalyado ni PNoy.
Tinawag nila itong Team Daang Matuwid na magpapatuloy ng mga sinimulan ni PNoy.
Ang kanilang mga kandidato sa pagka-Senador ay sina Ralph Recto, DOJ Secretary Leila de Lima na binansagang ‘woman with balls’, Panfilo “Ping” Lacson, Risa Hontiveros, Jericho ‘Icot’ Petilla, Tesda Man Joel Villanueva, Sen. Teofisto “TG” Guigona III, Mark Lapid, Nariman “Ina” Ambolodto, Franklin Drilon at Cresente Paez.
Ilan sa mga pinangalanan ay matagal nang naninilbihan sa gobyerno. Dalawa sa Senatorial Slate ng LP ay galing ng Mindanao. Sila ay sina Cresente Paez at Nariman “Ina” Ambolodto.
Hindi pa pinal ang listahang ito sapagkat hanggang Oktubre 16, 2015 ang pagpapasa ng kanilang Certificate of Candidacy.
Ngayong alam na natin kung sino-sino ang mga tatakbo ihanda ninyo na rin ang inyong mga sarili sa kabi-kabilang pagdalaw ng mga kandidato sa inyong barangay.
Sa telebisyon pa lang baka puro mukha na ng mga kandidato ang makita ninyo lalo na sa pagsisimula ng kampanya sa Pebrero 9, 2015.
SA HULING ULAT ang tanggapan ni Conchita Carpio-Morales ang OMBUDSMAN ay naglabas ng resolusyon na nakitaan ng ‘probable cause’ para sampahan ng kaso si Presidential Candidate Jejomar Binay para sa mga kasong inihain sa kanila.
Mabilis namang sinabi ni Binay na ito ay itinama sa araw na ito para madiskaril ang kanyang kandidatura upang paburan ang kampo ng administrasyon.
Si Grace Poe naman ay inaasahan na sa Nobyembre lalabas ang resolusyon tungkol sa kanyang ‘citizenship’ isyu. Sinabi na ni Gng Poe na may nakikita siyang mas malalim na motibo sa usaping ito.
Hindi kaya ito ang dahilan na nagsisiksikan ang mga kandidato sa pagka bise-presidente dahil sa kahit Manalo si Poe o Binay ay baka madiskalipika sila at ang bise-presidente ang hahalili? Nagtatanong lang….
SA ANUMANG REAKSIYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest