KALIWA’T kanan ang pangangalakal ng mga kalituhan at kaguluhan sa pulitika.
Tipikal na estilo at ugaling trapo ng mga T.L (tulo-laway) sa pwesto sa gobyerno. Kaniya-kaniyang gibaan at batuhang-putik gamit ang kanilang mga spin doctor sa ngalan ng kanilang inaasam-asam na titulo.
Maliban dito, kung ano-ano pa ang mga inilulutang na pananakot sa media. May nagsasabing kung hindi daw mananalo ang kanilang manok, babalik daw ang Pilipinas sa third world country kasi ang tuwid na daan hindi na maipagpapatuloy. Para bang sila lang ang may kakayahan at kaalaman na magpaunlad ng bansa.
Pero kung aanalisahin naman ang kanilang integridad, kwestyunable. Maraming mga proyekto ang hindi pa rin nasisimulan at hanggang ngayon mas marami pa ang pangako at bukadera palang.
Kaya tama lang ang sinasabi ng Securities and Exchange Commission (SEC) at Commission on Elections (Comelec). Babantayan at imo-monitor nila ang mga nagpopondo at magpopondo ofinanciers ng mga partido ngayong 2016 national elections.
Ito ‘yung matagal nang nakagisnang sistema ng mga trapo o tradisyunal na mga pulitiko. Kaya kapag nanalo, tali ang kanilang mga kamay dahil kailangan nilang protektahan at pagsilbihan ang kanilang mga principal na naglagay sa kanila sa pwesto.
Perpetual servitude kung tawagin ito sa ingles o walang katapusang paninilbihan doon sa korporasyon, kumpanya o malaking negosyante na nagpanalo sa kanila sa eleksyon.
Sabi nga ni Davao City Mayor Rudy Duterte, paglilinaw lang hindi ako dito nangangampanya at hindi ko siya ikinakampanya, kaya hanggang ngayon nagdadalawang-isip pa rin siya kung tatakbo sa pagka-presidente sa susunod na taon dahil ayaw niyang maging trapo.
Ayaw niyang makompromiso at ilako ang kaniyang prinsipyo sa sinumang susuporta sa kaniya ng makinarya.
Tulad nga ng matagal ko nang sinasabi sa aking programang BITAG Live, sinumang tatakbong pulitiko sa darating na eleksyon, dapat ideklara niya sa publiko ang kaniyang mga financier nang sa ganun, malaman ng taumbayan kung sino ng kaniyang totoong amo, kanino siya may utang at kanino siya magpapaalipin.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.