“SA palagay mo hindi tututol si Sir Manuel kung isabay natin sa inagurasyon ng park ang kasal natin?’’ Tanong ni Sam kay Ram.
“Hindi naman siguro. Baka nga matuwa pa iyon. Di ba siya ang nagsabi na kung anuman ang plano natin, e sabihin sa kanya. Palagay ko aprub sa kanya ang balak natin.’’
Hanggang sa mapansin ni Ram na biglang natigilan si Sam. Parang may biglang naisip.
“O bakit natigilan ka, Sam?’’
“Wala, Ram. Mayroon lang akong naisip.’’
“Anong naisip mo?’’
Hindi nagsalita si Sam. Nabahala naman si Ram. Alam niya na hindi basta-basta ang naisip ni Sam. May problema marahil si Sam.
“Ano nga ang naisip mo, Sam. Sige na, sabihin mo sa akin.’’
Huminga nang malalim si Sam.
“Naisip ko ang aking mga magulang, Ram. Ngayong ikakasal tayo, sana narito sila…”
A iyon pala ang biglang naisip ni Sam. Nakadama siya ng awa sa nobya. Nakakalungkot na wala sa kasal ang mga magulang.
“Wala nang balita sa kanila, Sam. Ako man ay nagdarasal na sana narito sila sa kasal natin. Pero huwag ka nang malungkot at narito naman si Lola Rosa at suportado tayo ni Sir Manuel. Parang ama na natin si Sir Manuel di ba.’’
Napangiti si Sam.
“Naisip ko lang kasi na mas masaya sana kung narito sila. Di ba ang mga magulang ang naghahatid sa kanilang anak na babae sa altar.’’
Napatango si Ram.
“Ano kaya at isang araw bago tayo ikasal ay bigla silang dumating. Ano sa palagay mo Ram?’’
“Ipagdasal natin, Sam. Wala namang imposible kapag hiniling sa Diyos.’’
“Sana nga ay mangyari, Ram.’’
“Palagay ko, matutupad ang wish mo.’’
Inakbayan ni Ram si Sam at tinanaw nila ang kabuuan ng park na malapit nang matapos.
Nasasabik na sila sa mga mangyayari sa kanilang buhay sa hinaharap.
(Itutuloy)