‘Kelan ka susunod Agarao?’
MAINGAY na noon pa man ang pangalan ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino dahil sa kabi-kabilang reklamo.
Hindi lang tungkol sa kanyang trabaho ang nagpaingay ng kanyang pangalan kundi maging ang naging ‘performance’ ng Playgirls sa isang pagtitipon ng Liberal Party.
Kumalat na sa internet at naibalita na din sa telebisyon at radyo, nailathala sa mga pahayagan ang ‘malaswang pagsasayaw’ ng grupo ng kababaihan habang ka-partner ang mga lalaki.
Ayon sa balita si Tolentino mismo ang nagregalo nito sa kaarawan ni Laguna Representative Benjie Agarao ng ika 4th Distrito ng Laguna. . Sinabi daw ito mismo ng emcee ng programa. Mariin naman itong itinanggi ni Tolentino--- nung una.
Matapos kumalat at humakot ng kabi-kabilang batikos ‘nag-public apology’ si Tolentino nung Oktobre 7, 2015.
“Pinaaabot ko po ang paghingi ng pang-unawa, paghingi ng kapatawaran doon sa mga ating nasaktang grupo ng kababaihan dahil sa sitwasyong nangyari sa Sta Cruz, Laguna. Naging kamalian ko at tinatanggap ko ang hindi pagpigil doon sa naging performance ng mananayaw dahil ako ang pinakamataas na opisyal ng pamahalaan doon sa naturang lugar,” ayon kay Tolentino.
Humingi din siya ng paumanhin sa grupo ng mga kababaihan, sa pamilya ni Cong. Agarao, sa kaibigan sa Laguna at maging sa kanyang inang nasaktan at sa Partido Liberal, kay Sec. Mar Roxas na hindi daw dapat nadamay ang pangalan sa usaping ito.
“Muli hindi ko nakontrol, hindi ko napigilan ang naturang insidente na sa aking paniniwala at paniniwala rin ng iba ay ginagawa rin naman sa araw-araw sa harap ng milyun-milyon sa telebisyon,” dagdag pa ni Tolentino.
Pinaaalis niya na din sa listahan ng mga tatakbo bilang Senador ang kanyang pangalan.
Tanong ko lang din naman Mr. Tolentino saang programa sa telebisyon mapapanood na ang isang lalaki ay nakahiga habang ang babae ay gumigiling-giling at nakapatong sa kanya?
May parte pa nga na hawak-hawak ng lalaki ang hita ng babaeng nagsasayaw.
Kung ang suot nga lang ng isang host o kapag may nasabi kang hindi maganda sa harap ng camera ay ipapatawag ka na kaagad ng MTRCB yan pa kayang pagsasayaw ng malaswa?
Lumaki ang isyung ito sapagkat halos lahat ng nandun ay pulitiko at wala man lang naghinto sa inyo sa nangyaring ‘performance’ ng mga kababaihan.
Sa isang napanood kong panayam sa Playgirls sinabi nila dun na walang nagsabi sa kanilang huminto sa kanilang pagsasayaw. Nakipag-usap din ang kanilang manager para tanungin kung ano ang mga bawal pero wala namang sinabi ang mga ito.
Sa naging panayam naman kay Cong. Agarao sinabi niyang hindi niya alam na may ganung uri ng kalaswaan na nangyari sa kanyang party. Umalis daw kasi siya dahil inihatid niya si Mar Roxas na paalis na sa lugar.
Pagbalik niya daw may nagsasayaw pa pero hindi niya nakita ang malaswang parte at napanood na lang sa internet.
Imposible naman yata ang sinasabi mong hindi mo man lang nalaman nung mga panahong yun na may nangyaring ganung sayawan. Hindi naman basta-basta nawawala ang usapan at tawanan kung sakaling tuwang-tuwa ang mga kalalakihang nandun sa lugar.
Kung sakali namang totoo ang sinasabi mo kalimitan diyan lang naman inihahatid sa sasakyan ang iyong bisita at babalik ka na sa pagtitipon.
Hindi kaya tulad ni Tolentino ay dapat ka na ding magbitiw sa iyong tungkulin bilang pag-ako sa hindi magandang pangyayaring ito? Si Tolentino lang ba ang may ‘delicadeza’ at ikaw ay kapit sa posisyon na parang isang tuko.
Kelan ka matatauhan at matatanggap mo na ikaw din mismo ay may pagkukulang? Iboto ka pa kaya ng mga kababayan mo gayung kakabit na ng eskandalong ito ang pangalan mo?
May grupo ng naghain ng reklamo laban kay Tolentino. Ang ‘Violation of Republic Act 6713 or the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees and violation of the Magna Carta of Women’.
Hindi ka pa rin natitinag sa posisyon mo Cong. Agarao? Ang kapal din naman…
PARA SA ANUMANG REAKSIYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest