Halata mo ba?
…kung ang bagong karelasyon mo ay commitment-phobe—meaning, takot sa kasal, takot magkapamilya o kaya ay takot na magkaroon ng responsibilidad. Pwes, narito ang mga senyales:
1. Isang katatawanan sa kanya ang pag-aasawa. Tinatanga-tanga niya ang mga kabarkada na tumigil na sa kalalakwatsa dahil naging seryoso na sa buhay mula nang mag-asawa. Ang terminology niya sa pagpapakasal ay pagbibigti, pagpapasakal o pagpapakamatay.
2. Wala sa plano niya ang magka-anak at magkaroon ng sariling tahanan. Wala siyang taong isinasama sa kanyang mga plano sa buhay. Ang pangarap niya ay “weird” at para lang sa kanya: Magkaroon ng revolving circular water bed, tumira sa tuktok ng bundok, magkaroon ng bahay na ang bintana ay pininturahan ng itim at maging rock star.
3. Naiinis siya kapag pinangunahan mo siya ng pagpapaplano ng inyong date. Ayaw niya halimbawa ng mga sumusunod: date na matagal pa pero pinaplano na; nagpapa-reserba ka na ng ticket sa concert o nagpapareserba na sa restaurant. Ikakatwiran niya, boring ang ganoong lifestyle. Mas gusto niya ang biglaang lakad.
4. Madalas ka niyang iniindiyan sa inyong date; o darating pero late at may pagkakataong ikakansela ito sa last minute. Kapag sumama ang iyong loob, aakusahan kang sensitive at Drama Queen.
5. Six months na kayo pero kakaunti pa lang ang alam mo sa kanya. Ang taong takot sa commitment ay hindi mahilig “magbukas ng sarili” sa ibang tao. Ang nasa isip kasi niya ay hindi kayo magtatagal kaya walang dahilan para palalimin pa ang pagkilala sa bawat isa. At ang pinakamatindi, wala siyang kapamilya na ipinakikilala sa iyo.
- Latest