ITINALAGA ni President Noynoy Aquino si Emerson Carlos bilang Officer-in-Charge ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kasunod nang pagbibitiw ni Chairman Francis Tolentino. Nagbitiw si Tolentino sa MMDA makaraang mag-sorry sa nangyaring kontrobersiya sa Sta. Cruz, Laguna noong nakaraang linggo kung saan may event ang Liberal Party. Humingi ng paumanhin si Tolentino sa mga kababaihang nasaktan dahil sa ipinamalas na sayaw ng Playgirls sa isang programa roon. Nag-perform ang Playgirls makaraan ang induction ng mga miyembro ng LP at selebrasyon na rin ng kaarawan ng isang kongresista. Nalaswaan ang mga nakapanood sa ginawang games sa stage kung saan, nakahiga ang mga lalaki at nasa ibabaw ang mga miyembro ng Playgirls. Sabi ni Tolentino, dapat daw pinigil niya ang ginagawa ng mga performers. Pagkatapos mag-sorry, hiniling ni Tolentino na alisin ang pangalan niya sa listahan ng LP.
Wala na si Tolentino sa MMDA na hinawakan niya ng limang taon. Marami rin naman siya nagawang pagbabago sa MMDA. Marami siyang sinubukang paraan para mapaluwag ang trapik kaya lamang hindi naging epektibo. Sinubukan niyang buhayin ang ferry system. Sinubukan ang paglalagay ng centralized bus terminal at marami pa. Marami rin siyang naiambag para sa kaunlaran ng Metro Manila at maaalala ang kanyang pangalan.
Malaking responsibilidad ang nakaatang kay OIC Carlos ngayon lalo pa’t nalalapit na ang pagdaraos ng Asia-Pacific Economic Cooperation summit na gagawin sa Maynila sa susunod na buwan. Malaking papel ang gagampanan ng MMDA sa APEC kaya dapat maging handa si Chairman Carlos. Ipakita niya na kaya niyang gampanan at mahigitan ang nagawa ni Tolentino sa MMDA. Ipagpatuloy niya ang mga nasimulan ni Tolentino. Mas mabuti kung makakaisip siya ng paraan kung paano masosolusyunan ang trapik sa Metro Manila.