Sampaguita (184)
“MAGKANO mo po nabili kay Don Avelino Buenviaje ang lupa, Sir Manuel?’’ Tanong ni Sam kay Sir Manuel.
“Hindi niya sinabi ang presyo. Basta raw gawin ko ang plano para sa lupa.’’
“Ibig mo pong sabihin, hindi kayo nagbayaran?”
“Oo. Tinanong ko ang presyo pero walang sinabi. Saka na lang daw. Para bang ibinibigay na niya sa akin ang lupa at gawin ko ang lahat.’’
“Paano po ang mga papeles kung ipagagawa mo na ang lupa sa nais mong theme park.’’
“Pupunta sa akin ang abogado niya. Huwag daw akong mag-alala dahil walang magiging problema sa lupa.’’
“Napakabait pala ni Don Avelino.’’
“Oo Sam, napakabait niya. Walang katulad sa kabaitan. Kahit na ubod siya ng yaman, ay wala akong nakitang yabang sa katawan. Nakadikit pa rin ang mga paa sa lupa.’’
“Katulad mo rin po, Sir Manuel,’’ sabi naman ni Sam.
“Salamat Ram.’’
“Kaya po lalo kang yumayaman. Ibinabalik ng Diyos sa iyo ang mga nagawa mong tulong sa iba.’’
Napangiti lamang si Sir Manuel.
Nang magsalita ay ang tungkol na sa pagdebelop ng 20 ektaryang lupain ang binalangkas.
“Pauumpisahan ko na ang pagdebelop sa Theme Park. Hindi na ako makakapaghintay pa. Gusto kong matapos sa lalong madaling panahon ang Theme Park.’’
“Narito po kami para tulu-ngan ka Sir Manuel,” sabi ni Ram.
“Oo nga po Sir Manuel. Handa kaming umalalay sa’yo,” sabi ni Sam.
“Salamat sa inyo. Sige, humanap na kayo ng mga tao na magiging trabahador. Kailangan natin nang maraming tao.’’
MAKALIPAS pa ang isang buwan at sinimulan na ang pagdebelop sa Theme Park. (Itutuloy)
- Latest