DATI, ang mga batang kalye o ang mga tinatawag na “batang hamog” ay sumasampa sa mga pampasaherong dyipni na may bitbit na trapo o basahan at pupunasan ang sapatos ng mga pasahero ng dyipni. Iyon ay simpleng paraan ng pagpapalimos. May nag-aabot ng pera sa bata at pagkatapos niyon ay bababa na ang bata sa dyipni para humanap naman ng iba pang sasampahang dyipni.
Ngayon ay hindi na ganito ang tanawin. Nag-level up na ang mga “batang hamog” at hindi na pagpupunas sa bawat sapatos ng pasahero ang kanilang ginagawa kundi hinahablutan na nila ng cell phone, bag o pinipitasan ng hikaw ang pasaherong babae at saka lulundag ng dyipni. Iglap lang at wala na ang “batang hamog’’ at maghahanap na naman ng bagong biktima.
Ang panghahablot o pang-aagaw ng mga gamit ng pasahero ng mga “batang hamog” ay nakaalarma na. Kagaya nang nangyaring pag-agaw ng isang “batang hamog” sa cell phone ng isang babaing pasahero. Nakunan ng video ang pang-aagaw ng cell phone habang ang dyipni ay nasa C5 at naka-stop. Biglang sumakay ang snatcher at sa isang iglap ay nahablot ang CP ng babaing pasahero na nakaupo sa hulihan. Kitang-kita ang paghablot at pagtalon sa dyipni ng “batang hamog”. Mabilis na nakatakas ang batang hamog at palalamigin lang ang sitwasyon at manghahablot na naman.
Paulit-ulit na ang ganitong pangyayari at wala namang takot ang mga “batang hamog” na para bang balewala sa kanila ang lahat. Para bang mga robot sila na walang damdamin. Siguro’y natuyo na ang kanilang utak dahil sa pagsinghot ng solvent.
Ang ahensiyang may responsibilidad sa mga “batang hamog” ay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sila ang may kapangyarihan para alisin ang mga batang naglipana sa kalye.
Delikado na ang ginagawa ng mga batang hamog na nagmula sa pakonti-konting pagnanakaw hanggang sa lumaki nang lumaki. Pagnagtagal, manghoholdap na sila.
Gumising sana ang DSWD.