‘Next president… none of the above’

ANO bang mayroon kay Rudy Duterte na wala kina Grace Poe, Mar Roxas at Jojo Binay?

 Ni hindi nagdedeklara para sa 2016 national elections pero tumataas ang ratings. Hindi nagsasalita, pero isinusulong nang marami.

 ‘Di tulad ng mga spin doctor at ‘PR’ na bumubula ang bibig na nasa likod ng mga kampo ng presidentiables.

 Pilit gumagawa at binubuhay ang mga isyu, kuntodo sa pag-iingay para lang mapag-usapan, hindi mawala sa balita at tumaas pa ang ratings ng kung sinumang mga manok nila.

 Hindi ako nangangampanya ng sinumang pulitiko, ito ay pag-aanalisa lamang sa mga reaksyon na nakakalap sa mga balita at sa social media.

 Maraming overseas Filipino worker (OFW), inuudyok si Duterte na tumakbo sa pagka-pangulo. Kulang na lang kuyugin nila ang alkalde ng Davao para wala nang kawala sa susunod na eleksyon.

Ito ang resulta kapag ang mga tao, desperado na. Nanawa na sa ugaling ‘teka-teka’ ng kasalukuyang administrasyon kaya naghahanap ng alternatibong lider.

 Dahil walang nakikitang pagbabago sa gobyerno, makikita ang kanilang pagka-diskuntentado, nawawalan ng pag-asa, galit, malungkot at pagka-miserable. Mataas pa rin ang krimen, talamak pa rin ng korupsyon at marami pa rin ang mga mahihirap.

 Insulto ito sa mga nag-aasam-asam at T.L. (tulo-laway) sa pwesto na nauna nang nagdeklara pero wala naman sa radar screen ng taumbayan.

 Tulad nga nga paulit-ulit kong sinasabi sa BITAG Live, hindi ako nangangampanya ng sinumang personalidad, ito ay matalinong pag-aanalisa lamang kung ano ang totoong balita sa likod ng mga numero ng mga tatakbo sa pagka-Pangulo.   

* * *

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.

Show comments