“TAMANG-TAMA ang lugar na ito! Ito ang matagal ko nang pinapangarap,” sabi ni Sir Manuel habang tinatanaw ang sapa at ang berdeng kakahuyan. Hangang-hanga siya sa lugar.
‘‘Palagay ko po ipagbebenta sa inyo ito, Sir Manuel. Malakas po ang kutob ko,’’ sabi ni Sampaguita.
‘‘Ganyan din po ang kutob ko, Sir Manuel,’’ sabi ni Ram. ‘‘Kapag po nagkaroon ng katuparan, maraming matutuwa sa mga taga-rito.’’
‘‘Opo nga, Sir Manuel,’’ sabi ni Sam. ‘‘Magkakaroon na ng magandang pasyalan at palaruan dito.’’
‘‘’Yan ang balak ko, Sam --- ang magkaroon ng mapapasyalan ang mga tao. At ang maganda pa, magkakaroon ng pagkakakitaan ang mga tao rito. Bukod kasi sa pasyalan at mga palaruan, gusto ko, magkaroon na rin ng mall at housing project dito.’’
Hindi makapagsalita sina Sam at Ram. Hindi pala basta-basta ang naiisip ng matanda sa lugar na ito. Malaking tulong sa mga taga-Bgy. Susong Dalaga ang pagkakaroon ng isang Theme Park.
‘‘Sa palagay ko mga 20 hectares ang lugar na ito. Tamang-tama sa naiisip ko,’’ sabi ng matanda at muling tinanaw ang malinaw na tubig sa sapa.
‘‘Hindi ko po ma-imagine kung gaano kaganda ang lugar na ito kapag natapos,’’ sabi ni Sam. ‘‘First time na magkakaroon dito. Marami pong matutuwa sa balak mo Sir Manuel.’’
‘‘Kaya pag-uwi ko sa Maynila bukas, ipahahanap ko na kung nasaan ang office ni Don Avelino Buenviaje. Kailangang sa lalong mada-ling panahon ay magkausap kami. Palagay ko, magugulat si Avelino kapag nakita ako. Pagkaraan nang mahabang panahon ay muli kaming nagkita.’’
“Gusto mo po ba na tulungan ka namin ni Sam sa paghahanap kay Don Avelino?’’
“Huwag na. Kayang-kaya ng staff ko ‘yan. Ang asikasuhin n’yo ay ang pagpaplano sa inyong kasal. Sabihin n’yo sa akin kung kailan gaganapin.’’
“Gusto po namin, Sir Manuel na dito ikasal sa lugar na ito. Gusto po namin ay garden wedding kung saan makikita ang umaagos na tubig sa sapa.’’
“Approved. Sisikapin kong maitayo ang Theme Park! Pa-ngako ko ‘yan sa inyo.’’
MADALING na-locate ng mga staff ni Sir Manuel ang tanggapan ni Don Avelino Buenviaje.
Isang araw, dinalaw na niya ang kaibigan.
Hindi makapaniwala si Don Avelino nang makita ang kaibigang si Manuel. Mainit na mainit ang pagkikita nila. Pagkaraan nang mahabang panahon, nagkita sila. (Itutuloy)