SI Shridar Chillal, 77, ng Prune City, India ang lalaking may pinakamahabang kuko sa kaliwang kamay sa buong mundo. Siya ang tinanghal ng Guinness World Records at wala pang nakakaagaw sa kanya ng korona bilang may pinakamahabang kuko.
Ang haba ng kanyang mga kuko sa kaliwang kamay ay umabot ng 30 feet. Ang kuko sa kanyang hinlalaki ay umabot sa 6.5 feet.
Sabi ni Shridar, mula pa 1952 ay hindi siya nagputol ng kuko sa kanyang kaliwang kamay hanggang sa humaba iyon nang humaba. Hindi naman sinabi ni Shridar kung bakit ang mga kuko lamang sa kanyang kaliwang kamay ang kanyang pinahaba. Marahil, dahil ang kanyang kanang kamay ang lagi niyang ginagamit.
Subalit mayroon daw siyang dahilan kung bakit naisipang magpatubo nang mahabang kuko sa kamay.
Iyon ay dahil sa isang insidente noong nag-aaral pa lamang siya sa elementarya. Sinaktan siya at ang kanyang kaklase ng kanilang lalaking teacher na may mahabang mga kuko. Laging ipinagmamalaki ng teacher ang kanyang mahabang kuko. Hanggang sa aksidenteng maputol ang mahabang kuko ng teacher dahil sa kagagawan nila. Dahil doon, grabe silang sinaktan ng teacher.
Tinanong daw nila ang teacher kung bakit sila sinaktan nito dahil lamang sa pagkaputol ng kuko nito. Sagot daw ng teacher, hindi raw nila maiintindihan hangga’t hindi sila nagpapahaba nang mahabang kuko.
Mula raw noon, naging challenge na sa kanya ang pagpapahaba ng kuko.
At sabi ni Shridar, mahirap daw palang magpahaba ng kuko. Kaya pala raw galit na galit at sinaktan sila ng kanilang teacher nang maputol ang kuko nito.
Sabi pa ni Shridar, grabeng pag-iingat ang kanyang ginagawa para hindi maputol ang kanyang mga kuko.
Masyado raw malutong at madaling maputol ang mga kuko kaya doble ang kanyang pag-iingat. Hindi raw siya makagalaw nang maayos dahil baka maputol ang mga kuko. Kapag natutulog daw siya, lagi siyang bumabangon tuwing kalahating oras para masiguro na hindi naiipit ang kaliwang kamay na may mahabang mga kuko. Masasayang daw ang kanyang pinaghirapanng pagpapahaba ng kuko kung hindi ito pag-iingatan lalo sa pagtulog.