Lingkod-Bayan

NOONG 1347 ay sinakop ng English army ang isang lungsod sa France, ang coastal city of Calais. Pinutol ng English army ang lahat ng komunikasyon ng lungsod na iyon sa kanilang kalapit-bayan. Ilang buwan na hindi makalabas ng kani-kanilang bahay ang mga tao kaya marami ang mga nagutom at namatay. Isang araw nagkaroon ng announcement ang hari ng England:

“Sa loob ng tatlong araw ay sasalakay ang buong sandatahan ng England sa Calais at susunugin ang buong lungsod kasama ang lahat ng mga taong naninirahan doon. Sisiguraduhin ng mga sundalo na walang ititira kahit isang buhay. Ngunit may kondisyon ang hari. Hindi itutuloy ang pagsalakay, pagsunog at pagpatay ng mga mamamayan kung ang anim na matataas na opisyal ng Calais ay papayag na ialay ang kanilang buhay. Silang anim ang pupugutan ng ulo kapalit ang buhay at kalayaan ng mga mamamayan ng Calais. Kailangang magdesisyon na ang anim na opisyal sa lalong madaling panahon.”

Maraming mamamayan ang natakot. Naniniwala sila na pagkatapos ng announcement ay kanya-kanya nang karipasan ng takbo ang mga opisyal upang iligtas ang kanilang sarili. Anong gulat ng mga tao nang kinabukasan ay humarap ang anim na opisyal sa pinuno ng army at buong tapang na sinabing handa silang mamatay kaya iharap na sila sa hari sa oras ding iyon.

Nang puputulin na ang ulo ng anim na opisyal, nagsuguran ang sampung mamamayan na kinabibilangan ng lalaki at babae. Nakiusap ang mga ito na huwag nang ituloy ang pagpugot sa anim na opisyal. Sa halip, sila na lang daw ang pugutan. Nagtaka ang pinuno ng army at nagtanong kung bakit nila ito ginagawa.

“Nakakahinayang na basta na lang patayin ang anim naming opisyal na buong katapatang naglingkod sa amin. At ngayon ay napatunayan naming handa pala nilang ialay ang kanilang buhay para sa kanilang nasasakupan. Marami pa silang magagawa para sa aming kababayan kaya kami na lang ang pugutan ninyo ng ulo.”

Sa sobrang paghanga ng hari sa anim na opisyal at sa sampung taong nais maghain ng kanilang buhay, napilitan siyang lumabas sa pinagkukublihan. Sinenyasan niya ang pinuno ng army na huwag nang ituloy ang pagpugot ng ulo. Noong oras din iyon ay ibinigay na niya ang kalayaan ng lungsod. Namulat ang hari sa tunay na kahulugan ng “lingkod-bayan”.

*E, dito sa Pilipinas, may ibang synonym ang lingkod-bayan…lingkod ng kaban ng bayan. Taga-ubos ng kaban ng bayan.

Show comments