NANGUNGUNA ang Metro Manila sa may pinaka-worst na trapik sa buong mundo. Pumapa-ngalawa ang Rio de Janeiro, ikatlo ang Sao Paolo at pang-apat ang Jakarta. Ito ay base sa ‘‘Global Driver Satisfaction Index’’ (GDSI) na denebelop ng traffic and navigation application Waze.
Ang GDSI results ay base sa evaluation ng Waze sa experience ng 50 millions users sa 32 bansa at 167 lungsod. Bawat bansa at lungsod ay may assigned score na mula 1 hanggang 10 kung saan ang 1 ay ‘‘miserable’’ at ang 10 ay ‘‘satisfying’’. Ang Metro Manila ay may score na 0.4 sa traffic index.
Totoo naman ang resulta ng Waze at matagal nang nasanay ang mamamayan sa Metro Manila na maglaan ng apat hanggang limang oras sa trapik. Napagtitiisan na ng motorista at commuters ang nakaka-stress na trapik. Hindi naman daw ito nakamamatay, sabi ni DOTC secretary Joseph Emilio Abaya.
Mas matindi ang trapik kapag nagkaroon ng pagbaha at napagtiisan na rin ito ng mamamayan sa mahabang panahon. Wala namang magagawa ang mamamayan kundi tanggapin ang sistema na mahinang gumawa ng solusyon ang pamahalaan kung paano lulutasin ang problema sa trapiko. Salat sa kaalaman sa traffic management ang mga nasa puwesto kaya naman walang makitang pagbabago sa trapiko. Puro drowing ang nalalaman at walang pagpapatupad.
Nagkukumahog ang Aquino administration sa paghanap ng solusyon at pati ang Highway Patrol Group ay dinala na sa EDSA para maibsan ang trapik. Pero hindi pa rin sapat sapagkat mayroon pa ring pagbubuhol sa trapiko.
Wala nang magagawa ang kasalukuyang pamahalaan sapagkat siyam na buwan na lamang at bababa na si President Aquino. Ipapasa niya ang problema ng trapiko sa susunod na Presidente. Kung ang susunod na Presidente ay wala ring political will, mananatiling may worst traffic sa mundo ang Metro Manila na ang naaaksaya ay P2.4 billion bawat araw. Makaisip sana ng paraan ukol dito ang susunod na Presidente. Isa sana ito sa pagtuunan niya ng pansin.