MAITUTURING na malaking kontrobersiya ang inabot ng Liberal Party (LP) dahil sa malaswang pagsayaw ng Play Girls sa pagtitipon sa Sta. Cruz, Laguna, kamakailan.
Pinagpipistahan ngayon sa social media at maging sa mga telebisyon, radyo at pahayagan ang malaswang pagsayaw ng grupo na nagsilbing entertainer sa pagtitipon ng LP.
Nagkaroon ng oathtaking ang mga miyembro ng LP at isinabay ang pagdiriwang ng kaarawan ni Laguna 4th district congressman Benjie Agarao.
Nalagay sa alanganin ngayon ang LP dahil sa mata ng publiko ay malaswa ang pagsasayaw ng Play Girls. Mismong ang liderato ng LP ay nagsabing paiimbestigahan ang pangyayari.
Hindi na mahalaga kung sino ang nagregalo ng Play Girls sa nasabing okasyon at wala naman sigurong masama sa nasabing pagsasayaw ng Play Girls pero nasasangkot dito ang partido ni President Noynoy Aquino.
Bawat kilos ng LP ay binabantayan ng publiko lalo na ng mga kalaban kaya naman dapat mag-ingat nang husto para protektahan ang kanilang imahe.
Kinakailangang gumawa agad nang mabilis na aksiyon ang LP upang makabangon sa mga tinatanggap na batikos.
Isa sa maaring gawin ay ang pagpaparusa kay Agarao. Suspendehin siya sa partido ng ilang araw o linggo para ipakita sa publiko na hindi kinukunsinti ang malaswang pagsasayaw sa kanyang kaarawan.
Damay dito ang buong partido lalo na ang kanilang presidential bet na si Mar Roxas. Asahan na gagamitin ito ng kanyang mga kalaban sa pulitika kaya dapat matapos na ang isyu.