Dear Dr. Gatmaitan,
Ako po ay 30 taong gulang at may dalawang anak na babae. Sa kadahilanang ayaw ko nang masundan pa ang mga anak namin kaya hindi ako nagpapasiping sa aking asawa. Ang ginagawa ko po para mairaos ang aking nadarama sa tawag ng pagnanasa ay nagpi-finger po ako. Ginagawa ko po ito tatlo hanggang apat na beses sa isang buwan. Madalas po ay hindi ko ito nagagawa dahil hindi naman madalas kung sumumpong ang pagnanasa.
Natatakot po ako na baka mayroong epekto ito sa matris o sa obaryo. Kasi po minsan ay sumasakit ang aking puson. Ano po ang kahihinatnan ng aking ginagawa?
— Mrs. Sagittarius, Taiwan, R.O.C.
Dear Mrs. Sagittarius,
Nagiging praktis lamang ang pagpapaligaya sa sarili ng ilang kababaihan dahil sa kawalan ng partner o kung nasa malayong lugar ang nasabing asawa. Kung ipagpapatuloy mo ang pagbabawal kay Mister na sumiping sa iyo, baka kalaunan ay sa ibang babae siya sumiping. At mas masakit ‘yon.
Dahil ang kinatatakutan mo kung bakit ayaw mong magpasiping ay ang pagbubuntis, maipapayo kong gumamit ka ng contraceptive methods. Napakarami ng available na methods ngayon para mapigil ang pagbubuntis. Hindi remedyo ang hindi na makipagtalik para hindi ka na magbuntis. Paano naman ang pangangailangan ng mister mo? Isa sa dahilan ng pag-aasawa ay ang aspetong seksuwal ng inyong relasyon. Ang aktong pagtatalik ang maituturing na unique sa relasyong mag-asawa.
Puwede kang uminom ng oral contraceptive pills. Puwede ring gumamit ng condom si mister. Puwede kang magpalagay ng IUD sa matris. O di kaya’y magpatali ka na. Ito yung tinatawag na tubal ligation na ligtas naman. Nandiyan din ang pagpapasaksak ng hormona kada ikatlong buwan. Meron nito sa health centers. At siyempre pa, puwede n’yo ring gamitin ang calendar method (rhythm) o ang withdrawal, bagama’t hindi garantisadong ligtas ang huling dalawang nabanggit.
Mahalagang pag-usapan n’yo ito ni Mister. Huwag mong ilihim kay Mister ang iyong takot na muling magbuntis kaya iniiwasan mong makipagtalik. Mahalagang nauunawaan ni Mister ang dahilan ng waring pag-iwas mong makipagtalik sa kanya. baka kung ano pa ang maisip niya dahil sa hakbang mong ito. Magkaroon kayo ng kasunduan kung anong contraceptive method ang binabalak n’yong gawin. Wala namang epekto ang masturbation gamit ang iyong daliri sa iyong obaryo at matris. Masyadong mataas ang kinalalagyan ng obaryo at matris para maabot ito ng daliri mo.
Ang paglabas ng itlog ng babae ay nagaganap minsan lamang sa isang buwan, kapag hinog na ito. Kapag lumabas ang katas ng babae, wala itong lamang itlog hindi kagaya ng mga lalaki na ang sperm cells ay kasama ng semilya. Ang itlog o ovum ay nakaposisyon lamang sa isang bahagi ng fallopian tube, naghihintay sa pagdating ng sperm cells.