NAG-UUMPISA nang dumagsa ang mga overseas Filipino workers (OFWs) at mga balikbayan para sa nalalapit na Kapaskuhan. At ang panahong ito ang inaabangan ng mga corrupt sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kabilang sa mga nag-aabang ay ang mga “tanim-bala’’. Mayroon nang mga nahuli at sinuspinde subalit hindi nakatitiyak kung marami pa silang galamay na gumagawa ng ganitong modus sa NAIA.
Mga baggage ng balikbayan at turista ang target ng ‘‘tanim-bala’’. Tataniman ng bala ang bagahe para makapang-extort ng pera. Apat na extortionists na nakatalaga sa NAIA’s Office of Transportation Security (OTS) ang nahuli at sinuspende.
Nakakahiya ang ginagawa nila. Hindi sapat na masuspinde lamang sila. Dapat ay makulong sila nang matagal. Napakasama ng ginagawa nila sa mga walang kamalay-malay na OFW, balikbayan at turista.
Nabuking ang modus ng apat na “tanim-bala” nang magreklamo ang isang balikbayang babae na nagreklamo dahil hinihingan siya ng pera ng mga ito dahil may nakitang bala sa kanyang bagahe. Ayon sa porter na tumulong sa babae, humihingi raw ng P500 ang mga nagtanim ng bala para hindi na siya maabala. Patungong California ang babae. Hindi siya nagbigay ng P500 bagkus ay nireklamo ang mga tanim-bala. Nang rebyuhin ang CCTV, nakita ang apat na malalimang nagdidiskusyon.
Tinaniman din ng bala ang turistang si Lane Michael White noong Setyembre 17. Patungo umano si White sa Palawan. Isang bala ng caliber 22 ang nakuha sa baggage ni White. Hiningan umano siya ng P30,000 ng OTS officer. Nang hindi siya makapagbigay, ikinulong umano siya ng anim na araw sa aviation police office. Kinilala ni White ang dalawang OTS personnel na sina Maria Elma Cema, 46, at Marvin Garcia, 23.
Panibagong dungis ang ginawa ng apat na ‘‘tanim-bala’’. Kinulapulan pa nila ang masamang imahe ng NAIA. Sa halip na tulungan nilang maibangon ang bagsak na imahe, lalo pang nilubog.
Mag-ingat ang mga OFW at balikbayan, na papara-ting ngayong Kapaskuhan. Mag-ingat sa mga “tanim-bala” at extortionist sa NAIA. Isumbong agad sila.